Tuesday, April 11, 2017

Mahiwagang Liwanag sa Project 8 Nung Biyernes Santo


DPChallenge
Noong Lunes Santo palang pansin na nila Prof at Pareng Babes yung pambihirang liwanag na nagmumula sa gawing Norte ng Project 8, QC. Tila yata sa Tandang Sora or Quirino Highway ang pingamumulan nito at lumalabas dakong 9 ng gabi hanggang 12.

Liwanag siya na parang bahagyang nagliliyab---parang "glow" ng ilaw sa flashlight pag yung flashlight ay nasa likod ng mga halaman. Naalala ko tuloy nung minsang pumunta ako sa Bataan nung college pa ako. Pag gabi at nasa highway ka, me glow sa dulo nang highway kung saan andun yung Bataan Nuclear Plant.

Nuclear plant sa me north ng Project 8?

Kaya nung Miyerkules Santo, mga 9 ng gabi, nag bike sina Prof at Pareng Babes kasama sina Mr. Bean, Totoy Golem at Dagul. Pinag-kasya nila ang kanilang mga sarili sa 2 bikes---ma-diskarte din ang mga lekat. Binagtas nila ang kahabaan ng Tandang Sora.

Wala na ang Amihan ng December at February na umabot pa ng April 5, kaya mainit na talaga ang panahon. Wala na rin halos katao-tao at sasakyan sa Tandang Sora dahil nag-uuwian na ang mga tao sa probinsya. Parang nakakatakot tuloy sa Tandang Sora.

"Ayun yung liwanag!" ika ni Pareng Babes na angkas ni Prof. "Parang sa gawi pa doon. Ano-ano ba ang mga lugar doon?"

"Ano yan e," sagot naman ni Dagul sa kabilang bike, angkas ni Totoy Golem," Ugong, Bagbag, Bagbaguin at San Bartolome. Pero malayo na mga yun! Pupunta pa ba tayo dun?"

"Parang galing kasi dun ang liwanag. Pinag-tataka ko lang, bakit abot-tanaw ito sa Project 8?" ika ni Prof.

"Ang lalong kataka-taka, bakit kelangan nating malaman?" reklamo ni Mr. Bean. "Biro mo gabing-gabi nagba-bike tayo dito! Ano nanamang kalokohan ito?"

"Baka gaya ito nung bitwin nung Pasko," sagot ni Pareng Babes. Sinusundan natin ang liwanag kasi patungo ito sa lugar nang kapanganakan ni Hesus!"

"E ano tayo? Tatlong Hari?" sabi ni Dagul.

"Di ka ba madunong mag-bilang? Limang Hari tayo ah!" sabat naman ni Golem.

Biglang singit ni Prof: "Oy! Semana Santa ngayon! Hindi Pasko! Walang bitwin at tatlong hari sa istorya nang Holy Week!"

Nang bandang mag hahating-gabi na, nag-pasya si Prof na bumalik nalang sa Project 8. Nung nasa Short Horn na silang muli, sa me bandang Toro Hills, pinag-masdan nila ulit yung ilaw sa north ng Project 8. Papa-wala na ito.

Kina-umagahan, Huwebes Santo, nasa me terminal ng tricycle ang mga Otcho Boys at nagtatalo sa kung ano yung mahiwagang ilaw na tanaw sa Project 8 pag gabi. Sa katahimikan, umaalingaw-ngaw ang mga tinig nila at namamayani. Bahagyang naging parang Ghost Town ang ibang bahagi ng Project 8. Nasa bakasyunan na ang karamihan ng mga tao.

Finally, Biyernes Santo na. Lilitaw pa rin kaya ang mahiwagang liwanag?

Naki-usap ang mga Otcho Boys ke negosyanteng Akong---siya yung me hardware dyan sa Road 20---kung pwede silang mag-tambay sa gabi sa roof deck ng bahay nitong 4 floors ang taas. Pumayag naman ang mabait na si Sir Akong, "pero kayo bayad P50 each ha!" ang pahabol niyang kondisyon. OK naman ito sa mga Otcho Boys na naghahanap ng adventure nitong Holy Week.

Kaya ayun! Andun sa roof deck lahat ng bida dito sa Kwentong Otcho! Lahat sila, pati sina Aling Lory na me karinderia, at Aling Lydia na me sari-sari store. Pati si Sikyong Pedro. And later, pati na rin ako naki-gulo na! Andun kaming lahat ng 9 pm nung Black Friday! Kumita nang maganda sa amin si Sir Akong!

Mamyang konti, lumabas na ang mahiwagang liwanag! Medyo nakakatakot ang itsura niya, parang me sasabog! Yellow ang glow niya at parang tumitibok---bahagyang lalaki at liliit. Pinanood namin ito hanggang 11 pm at namangha. Ano ito? Sinyales ng katapusan? Konektado ba ito sa mga serye ng lindol sa Mindoro at Batangas, at yung isa pa sa La Union kelan lang?

Tapos, nangyari yung kinaka-takot ko!

Biglang me umangat na bilog na bagay na siyang pinagmumulan ng mahiwagang liwanag! Lumipad ito sa himpapawid at naglibot! Minsan, tila lalapit pa yata sa amin!

"Ay! UFO!" sigaw ni Aling Lory. "Me flying saucer sa atin! Katapusan na ng mundo!"

"Nilulusob na tayo ng mga alien!" sigaw naman ni Prof.

Nagka-gulo na nga sa roof deck ni Sir Akong at sa mga kapitbahay na nabulabog namin. Naglabasan sila at nakita din nila ang UFO. Nag-novena na sila Aling Lory at Aling Lydia. Yung mga Otcho Boys naman nag-sisi ng kasalanan nila. "Babayaran ko na po ang utang ko ke Aling Lory! Promise, Lord!" sigaw ni Totoy Golem.

"Hindi na po ako manonood ng porno!" kumpisal naman ni Prof. Nabisto pa tuloy.

Mamyang konti, nagbago-bago ng kulay ang liwanag ng UFO at tapos mabilis itong puma-itaas sa langit at biglang nawala!

Tumahimik sandali ang lahat habang naka-nga-nga kami sa langit. Tapos, nagsalita na si Mr. Bean. "Ikaw at ang lahi mo ang me kasalanan nito!" sabi niya ke Sir Akong.

"Ha? Ako wala paki-alam dyan sa UFO na yan ha! Basta kayo bayad lang sakin, oke na ako!" sabi ni Akong.

"Hindi! Ikaw ang me kagagawan nito!" giit ni Mr. Bean. "Ikaw at ang China! Gusto tayong sakupin ng China, at ikaw Sir Akong, ang secret agent nila dito sa Project 8!"

Well, sinubukan ko silang awatin, pero useless. Umuwi nalang ako dahil Biyernes Santo na---bawal ang mag-ingay hanggang Sabado de Gloria. Kayong readers, sundan niyo nalang sa news kung ano yung mahiwagang liwanag na yon. Tiyak ko, ibabalita ni Mike Enriquez at Mang Tanny ito.

Thursday, March 9, 2017

Me Ghost Story Din sa Summer Pag Me Time

Wattpad
Papunta akong Aling Lory's Sisig sa kanto isang tanghali nang mapa-daan ako sa tindahan ni Ate Lydia. Andun si Inday, me kini-kwento ke Ate Lydia, ang lakas ng boses, parang excited sa takot. Nung mas malapit na ako, nadinig ko, me multo daw! Inaalog daw ang bed niya nung gabi.

Nang mas malapit ako, napa-lingon sila sakin at ngumiti na medyo nahihiya. Lalo na si inday. Tapos, parang guilty na sinabi sakin, "Meron pong nagpaparamdam!"

"Me mumu ba?" tanong ko, naka-ngiting nakaka-loko.

Tumawa silang dalawa pero tawang nagsasabing totoo ang aking sinabi---me nagmumulto daw sa bahay nila inday dyan malapit sa tapat ng bahay namin! Medyo nanlaki din ang mga mata ko pero parang exciting! Magugustuhan ito ng mga Otcho Boys at pati mga Jogging Boys na madaling araw palang nasa kalye na!


And talking of Otcho Boys, biglang sumulpot sila Prof at Pareng Babes (me sa-multo din itong dalawa kasi minsan biglan na lang silang lumilitaw at nawawala). Parte sila ng mga Otcho Boys.

"Ano ba yan! Summer na summer, me multo?" pagtataka ni Prof. "March 10 palang, no!" Tatango-tango naman si Pareng Babes.

"Di ba tapos na ang Undas, last year pa?" dagdag naman ni Ate Lydia.

"Bah! Minsan pag summer nga nagpaparamdam mga yan!" katwiran naman ni inday. "At lalo na pag Mahal na Araw or Semana Santa! Nasa paligid lang daw mga yan!"

"Oo nga. Sabi nila nagliligid daw mga kaluluwa pag Biyernes Santo!" arya naman ni Pareng Babes. "Namamasyal at nananakot bago mag-Ester Sunday!"

Kamot ng ulo si Prof. "E ang layo pa nang Mahal na Araw!" sabi niya. "E, ano naman ang ginawa mo nung kinalampag ang bed mo?" tanong niya ke inday.

"Nag-takip ako ng kumot! Nanlamig ako! Nakakatakot!"

Maya-maya, eto na si Ondoy, asawa ni Inday. Pupunta daw saglit siya sa Munoz para bumili ng Biogesic. Masakit daw ulo niya dahil di siya nakatulog. "Bat di ka nakatulog?" tanong ko.

"Etong si Inday, and likot matulog. Sinipa ako at nahulog ako sa bed! Ang lakas pa humilik! Sa galit ko, pinagsisisipa ko ang bed tuloy!"

Nagka-tinginan kaming lahat.

"Tapos, sumigaw ba naman! Me multo daw! Lalo tuloy akong di naka-tulog! Takot ako no!"

Wednesday, January 25, 2017

Mga Kwentong Driver sa Ocho

Hi! mga suki at kapitbahay! Tagal nating di nagkita! Nag-busy kasi nung Pasko, New Year at unang week ng 2017! Grabe!

Pero eto na uli tayo, mag-sharing tayo ng mga kwentong Otcho! Lalo na mga kwentong driver sa Ocho!

Pag-sakay ko minsan sa jeep papuntang Road 20 galeng ng Walter Mart, nadinig ko yung driver at assistant niya, naguusap. Tokhang daw! Aba, kako, delikado yun! Saan kaya yung na-tokhang na yon sa Ocho? Lumapit-lapit pa ako sa kanila nang pa-simple. Eto nasagap ko.

DRIVER: Iba talaga ang sarap! Lalo't me beer!
ASSISTANT: Oo nga! Hahahaha!
DRIVER: Ano? mamyang gabi ulit?
ASSISTANT: Sige ba! Isama natin si Pareng Caloy na tricycle driver!

Aba! Nagustuhan nila yung tokhang! At gusto pa nilang ma-ulit! Mag-sasama pa! Ano kaya ang nangyayari? Nawala lang ako sandali me kababalaghan na!

"Este, mga pare, pwede bang magtanong," ika ko nung di ko na matiis.

DRIVER: Ano yun sir? Saan ba kayo bababa? Naligaw na ba kayo?
AKO: Hindi. Hehe. Tatanong ko lang kung ano nangyari sa tokhang na pinaguusapan ninyo.

Nagka-tinginan si driver at assistant, Nag-ngisi-an.

DRIVER: Ikaw na pare mag-explain, ang gulo mo kasi e!
ASSISTANT: Ikaw na pre!

ASSISTANT: E ano po yon...nagka-inuman kami kagabi. E ang sarap ng pulutan!

"Ano? Shabu?" tanong ko.

DRIVER: Aba hindi po. Tokwa po. Ang sarap po ng  anghang niya!
ASSISTANT: Na-tanong namin kung ano itatawag namin sa tokwang ma-anghang na yon.
DRIVER: Napag-kaisahan namin----Tok-hang..."

Friday, October 28, 2016

Baka Sila ang Dumalaw Sayo



Ang talagang dahilan daw sa pagpunta nila Mr. Bean, Pareng Babes at Prof sa sementeryo pag Undas ay yung kasabihang, "Pag di mo sila dinalaw sa Undas, baka sila and dumalaw sayo." Syempre, tungkol ito sa mga kaluluwa ng mga yumao.

E, takot sila sa multo, kaya sila na ang dumadalaw sa sementeryo.

Kaya October 29 or 30 palang, naglilinis na sila ng puntod ng mga lolo't lola at tatay at nanay ni Prof. Si Mr. Bean at Pareng Babes naman, dahil malayong pinsan nila si Prof, nakiki-todos los santos nalang sa kanya.

Nung Nov. 1, 2016, gabi, dumalaw na sila sa sementeryo. Dyan lang, malapit sa Project 8, QC. Sumakay sila ng Jeep papuntang Tandang Sora, at mula doon, papunta na sa sementeryo. Mahaba na ang pila na mga taong naglalakad sa kalye at traffic na rin. Maya-maya, nakikita na nila ang mga nagtitinda ng kandila at bulaklak---ibig sabihin, malapit na ang gate ng sementeryo.

Masaya sa sementeryo kaya di naman nakakatakot. Mas nakakatakot pa nga sa bahay nila Prof. Me mga ilang lugar lang na madilim---hindi nalagyan ng ilaw ng admin ng libingan---pero yung ibang lugar maliwanag at ma-tao naman. Dami pa ngang nagtitinda ng snacks, softdrinks, squid balls, kikyam at sama-lamig kaya walang tigil ng kaka-kain yung tatlo. Me barbecue at litsong manok pa. At syempre taho at balot.

Pag Todos Los Santos ka lang makaka-kita ng taho sa gabi.

Dami ring nagtitinda ng mga laruang ma-ilaw. Sa lahat ng dako ng sementeryo me mga nagtatawanan at nagke-kwentuhan. Napa-daan pa nga sina Dagul, Totoy Golem, Lowie, Sikyong Pedro at si Sabas---mga Kalog Boys or Otcho Boys. Kwentuhan sila at biruan. Pero sandali lang sila, nagpaalam agad ke Prof dahil pupunta pa daw sila sa Himlayang Pilipino at sisilipin kung andun ako. Ang puntod kasi ng erpat at ermat ko nasa Himlayan.

Nung 11 pm na, umuwi na sila Prof, Mr. Bean at Pareng Babes sa Project 8.

At dun na nangyari ang di inaasahan...........

Nung nasa bahay na sila ni Prof (nag-aya si Prof na dun na mag-hapunan at matulog sila Mr. Bean at Pareng Babes---halatang takot mag-isa noon si Prof), biglang sumabog ang matinding simoy ng tila kapapatay palang na kandila sa gitna nila!

Nagka-tinginan ang tatlo.

"Teka, dumalaw na tayo sa puntod nila, diba?" ika ni Prof. "Ano ito?"

Tinignan nila ang palibot ng bahay ni Prof. At doon na lumitaw ang aninag ng mga anyo ng lolo at lola ni Prof---parang see-through ang dating sa background na manipis na ulap sa gitna ng dilim.

Sigawan ang tatlo na nangangatog pa ang mga tuhod.

"Lolo....lola....di po ba dinalaw ko na kayo sa sementeryo? Ba't pa kayo nagpakita?" ani Prof.

Sumagot ang matatandang multo: "Hindi. Gusto lang naming sabihing hindi ka na namin dadalawin dahil dinalaw mo na kami kanina....salamat ha."

Monday, October 17, 2016

Mga Pulis Trainee sa 7-11



Mga bandang late morning or early afternoon, mapapansin mo silang nag iipon sa 7-11, sa corner ng Road 20 at Short Horn. Mga pulis trainees sila---naka-uniporme ng pulis, me belt, posas at suksukan ng baril, pero walang baril. Under training pa kasi sila.

Meron naman silang senior leader---minsan dalawa, minsan isa lang---na me baril.

Minsang nakatambay ako sa 7-11 at relax na sumisipsip ng four seasons na Del Monte, andun sila, nag-a-assemble. Karamihan sa kanila dumating ng naka riding-in-tendem. Siguro me mga 20 sila. Ang babata at mga magaganda at gwapo (me mga pretty girls palang nagpupulis?). Yung iba pumasok sa loob ng 7-11.


Habang naka-assemble sila dun, eto na, dumating na sila Mr. Bean at si Dagul, naka-riding-in-tandem din sa motor na hiniram nila ke Derek. At ewan ko ba kung bakit kelangang naka takip pa ang mukha nila ng itim na bonnet at naka itim na jacket pa na leather. Hinala ko, hiniram din nila ke Derek ang mga ito. Wala naman silang pambili ng ganung getup.

Syempre, pag-dating nila, napa-tingin yung mga pulis sa kanila. Oo nga naman, kahina-hinala naman talaga ang mga itsura nila.

At eto pa---pagka-park ng motor, pumasok sila sa 7-11 nang hindi hinuhubad ang mga tinted helmets nila---AT PAPUNTA SAKIN!

Sinundan sila ng tingin ng mga pulis trainees. Yung ibang trainees nasa loob ng 7-11 at naka-upo sa mga snack stand. Tapos, eto na nga. Binuksan nila Mr. Bean at Dagul yung mga helmets nila para ipakita ang mga mukha nilang natatakpan ng itim na bonnet. Ang poporma talaga!

At tapos, sabi ni Mr. Bean sakin ng medyo pabulong: "Jad, dadaan daw dito sa Road 20 mga artista, pangungunahan ni Isabel Granada!"

Di ko masyadong nadinig (ang arte kasing magsalita ni Mr. Bean. Pa-sindikato effect pa).

"Ano yun?" tanong ko.

"Makikita natin si Isabel Granada dito sa 7-11, mag shoo-shooting daw!" sabi ni Mr. Bean. "Di ba peborit mo yun?"

Isabel lang ang nadinig ko.

"Isabel?" wika ko. "Sinong Isabel?"

"GRANADA!" sabay na sinigaw ni Mr. Bean at Dagul.

Nag tayu-an ang mga pulis trainees at yung mga nasa labas naman, nag-pasukan. Grinab nila yung dalawa at pinosasan habang naka-abang naman ang iba sa gagawin ko. Syempre, hindi ako kumilos. Ayoko ngang manlaban. Nginiti-an ko lang sila. "Fan po kami ni Isabel Granada, hehe," sabi ko sa pinaka-maamo kong boses.

Sa prisinto na kami nag-paliwanag. Buti, mabait naman yung mga pulis, naintindihan ang istorya namin, at nag apologize kami. "Sa susunod wag kayong sisigaw ng ganun!" sabi ni hepe. "At wag kayong manlalaban!"

Monday, September 5, 2016

Ang Lihim ng Donya Sotera Street



Nasa karinderia ni Aling Lory si Chayong, yung mukhang mayaman na nakatira dun sa townhouse along Assistant Street. Kausap niya si Oreo, yung driver naman sa kabilang townhouse. Naalala tuloy ni Pareng Babes si De Lima at yung driver niya. Puna ni Pareng Babes, me pinaguusapan silang mukang interesting, I mean si Chayong at si Oreo (Goryo ang full name niya).

Nung naka-order na si Pareng Babes ng lunch, umupo siya sa table na malapit sa dalawa. Kunwari absorbed siya sa kinakain niya pero nakikinig siya sa kwentuhan nila. Tinatalasan ni Pareng Babes ang tenga niya sa mga tinig nila. Minsan kasi me maingay na tricycle.

Akala naman ni Pareng Babes tungkol ke Duterte or extrajudicial killings ang pinaguusapan nila or yung bomb explosion ng Abu Sayyaf sa Davao.


Yun pala, naka-baong yaman daw sa isang luma at abandonadong bahay sa me Tandang Sora. Muntik maluwa tuloy ni Pareng Babes yung sinubo niyang kare-kareng pata. Ano ba yan---naka-baong yaman sa lumang bahay. Meron pa bang ganon sa panahon ngayon? ika ni Pareng Babes sa sarili. Ito talagang sila Chayong at Oreo, walang mapag-usapang matino.

"I suppose binabantayan ng white lady or dwende yung yaman na yon," ika uli niya sa sarili, tatawa-tawa.

"E yun daw, pag alas dose ng gabi at napag-labanan mo lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon, me bubukas na secret door at mapapasa-iyo yung yaman sa loob," sabi ni Oreo. Paniwalang-paniwala namn itong uto-utong Chayong. Si Pareng Babes naman, sige lang ang kain ng kare-kareng pata with bagoong, barbecue at ginataang gulay.

Mas masarap pala kumain pag ganitong me nadidinig kang tele-nobela sa tabi mo, naisip ni Pareng Babes. Binanggit ni Oreo ang address ng bahay, and for some reason, tumanim ito sa utak ni Pareng Babes---Villa Noreng, papasok sa Donya Sotera.

Na-kwento niya ito ke Prof later.

Ang bad news, kinagat ito ni Prof. "Pagkakataon na nating yumaman!" ika ni Prof. "Mamyang hating gabi pumaroon tayong tatlo ni Mr. Bean!"

Patay!

Nganga si Pareng Babes. Kahit mukang kalokohan yung kwento, nakakatakot din yun ah! Naalala niya ang mga salita ni Oreo: "...lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon!" Gusto akong isama ni Pareng Babes pero buti nalang nasa city hall pa ako. Later, kinuwento niya sa akin ang lahat.

Kaya 11 ng gabi, lumakad na ang tatlo. Sakay sa otong hiniram nila ke Derek, binaybay nila ang General, ang kahabaan ng Tandang Sora at lumiko sa Donya Sotera, pag lagpas ng Banlat. Dineretso nila ito hanggang inner road at natunton nila ang lumang bahay, "Villa Noreng"---parang panahon pa ito ng kastila. Pinark nila ang oto sa me garahe. Halatang garahe ito ng karwahe o karitela de kabayo noon.

Napaka-dilim ng paligid at pawang mga iyak at tili lang ng mga di nakikitang insekto o hayup sa mga naglalakihang puno sa paligid ang nadidinig nila.

"Ba't ba na-kwento-kwento ko pa ke Prof yung nakatagong yaman dito?" ika ni Pareng Babes sa sarili.

Pumasok sila sa lumang bahay---abandonado na ito kaya malaya silang nakapasok. Akyat sila sa second floor---at doon naghintay ng 12:00. Tinignan ni Mr. Bean ang cellphone niya---15 minutes nalang 12 na.

"What?" sabi ni Pareng Babes, lalong kinakabahan.

"Ssshhh!" awat ni Prof.

Mamyang konti, nadinig nila ang marahan  at malagim na "Dong! Dong! Dong!"

Me lumang orasan pala malapit sa kanila. Aba, eto lang orasan na to e kayamanan na pag binenta nila. Siguro worth P10,000 ito!

Mamaya-maya, ayun na! Nag-labasan na nga ang lahat ng katatakutan! Lahat na yata ng klase ng maligno at multo nagpakita sa kanila. Nagyakapan silang tatlo. Pinaglabanan nila. Siguro mga isang oras din.

Pagka tapos, nung mag-give up na ang mga multo at maligno, nakiramdam sila. Hinitay nila ang pagbukas ng isang secret door.

Ayun nga! Me bumukas na pinto sa dingding! Ang secret door!

Bumuntung-hininga ang tatlo. Di sila maka-paniwala! Yayaman na sila!

Pag bukas ng pinto, me lumabas na multo! Ito yata ang pinaka-boss ng mga multo! Nakaka-takot talaga ang anyo niya. Tinignan sila ng mabuti, sumimangot at nagsalita: "Di kayo natakot! Ang yabang niyo! Tse!"

Tapos, naglaho na ito.

Naghintay sila Prof, Pareng Babes at Mr. Bean. Matagal.........nainip na sila. "Yun lang?" tanong ni Mr. Bean.

Umuwi silang bigo. Luhaan pa nga.

Pero ang yayabang nila. Kesyo napatunayan nilang ang tapang-tapang daw nila at kahit sino ay kaya nilang hamunin sa patapangan! Kahit si Duterte o General Bato! Kahit frustrated, kwentuhan sila ng pagyayabang habang umuuwi. "Wala ang lolo mo sa lolo ko!..." tipong mga ganyan.

Kinabukasan, hinarap ni Pareng Babes si Oreo. Kwinelyuhan. "Walang hiya ka! Niloko mo ako!"

Laking gulat ni Oreo. "A-anong kasalanan ko sayo?"

"Sabi mo me binaong yaman sa lumang bahay sa me Tandang Sora, sa Donya Sotera!" sigaw ni Pareng Babes. "E wala namang yaman doon! Mga halimaw meron pero walang yaman! Baka hindi mo ako nakikilala! Ako ang pinaka-matapang sa Project 8! Siga ako ng Ocho!"

Nagisip si Oreo at saka nagliwanag ang mukha nito. Tapos, natawa!

"Anung tinatawa-tawa no dyan? Napahiya ako sa mga kaibigan ko!" ika ni Pareng Babes.

"Hindi mo ako masyadong nadinig kahapon!" Sabi ni Oreo. "Ang sabi ko, me naka-baong YABANG doon. Pag bukas ng secret door at nandun ka, mapapa-sayo ang YABANG!"

Thursday, September 1, 2016

Pano na ang No-Garage-No-Car Policy Pag Napa-tupad Sa Ocho?



Isang garahe sa kada isang kotse. Pag walang garahe, di pwedeng magka-kotse. Naku, naloko na.

Malaking prublema yan sa Otcho. Madami kasi dito ginawa na nilang garahe ang kalye. Naka-handusay mga sasakyan nila sa kalye, at pang araw-araw na eksena na yan.

Yung iba nga, me tse-kot na nga sa garahe nila, me mga tse-kot pa rin sa kalye. Ka-yayaman! Sana pamigay naman ila yung iba. Hehe.

At yung mga naka-paradang mga pubic jeep dyan-dyan lang sa mga lansangan! Gaya ng kahabaan ng General Avenue. Ay naku! Papano yan pag napatupad na ang no-garage-no-car policy. To-tow daw talaga at pupulutin mo na dun sa Tarlac. Pag binawi mo sa Tarlac, sabay pasyal ka na din sa Isdaan Village, Haduan Park or sa Saipan Beach, hehehe (me beach sa Tarlac?).

Nung naglalaba kami ni Mrs ko sa City Wash isang gabi, nagkita kami ng classsmare ko sa elementary. Under-the-saya rin pala---lalaking tao naglalaba katulad ko. Napagusapan namin ang no-garage-no-car policy. E yung school bus niya daw pina-park niya sa kalye sa me plaza. Di na daw pwede sa garahe nila kasi me isang car din doon.

Sabi ko, buti ka pa ganyan ang prublema mo---kung saan ka magpa-park ng car mo. Ako ang prublema ko parati, saan ako kukuha ng tanghalian at gabihan ko. At mga pambayad ng bills. Tawa siya.

Kaya kung me vacant lot ka dito sa Ocho, ayusin mo na at pa-upahan mo ng parkingan. Kikita ka ng maganda. Sumingil ka ng P1,000 isang kotse isang buwan. O di ba? Kung 10 cars yan e di me P10,000 a month ka nang ganun-ganun lang. Tapos mag-offer ka na din ng carwash---gawin mong kontrata na.

Ewan ko kung tama, pero sa barangay level na daw ipapatupad ito pag na-approve na. Pag ganyan, e baka palakasan lang ke Kap ang mangyayari. Or, baka kumita ng husto ang ilang tanod. Sana naman ipatupad talaga ng walang palakasan.

Kasi, maganda ang resulta kung walang permanenteng parking sa kalye, lalo na sa main thoroughfares, gaya ng Short Horn, General Avenue, Road 20 at Congressional. Gaya nung harap ng San Lorenzo Ruiz College dyan sa me Circle C. Ang daming naka-park sa sasakyan dyan. Ginawa nang parking lot. Pati yung harap ng Our Lady of the Annunciation Parish sa Mindanao Ave near Tandang Sora.

Pwede naman kasing mag-commute na lang going to these places, di ba? Sakay ka ng trike or taxi nalang. Lalo na if nangu-ngupahan ka lang tapos me car ka?

Dito lang samin akala mo me car exhibit araw-araw. Naka-linya mga cars na naka-park sa kalye.

Kami, dalawa  ang garahe namin. So wala kaming prublema.....ay meron pala. Ang prublema namin, wala kaming sasakyan. Buti nalang, walang no-car-no-garage policy, hihihi.