Monday, April 18, 2016

Ang Multo sa Otcho

www.photocircle.net
Yun yung sabi ng mga saksi---me multo daw sa Otcho!

Eto yung kwento.

Naglalakad daw si Ate Bebs (labandera ng isang residente dyan) isang araw ng 4 am. Galing siya sa Accounting at me nakasalubong na babae sa kanto ng Assets at Accounting. Nasa harap mismo niya yung babae. Tapos, ilang hakbang lang daw niya, matapos siyang titigan nung matandang babae, bigla itong nawala!

Nangyari uli yun isang madaling araw. At pansin niya, pag medyo umaambon. Nagkakahulan daw mga aso sa paligid at  tapos biglang sumulpot si babae from nowhere.

Matanda daw na mataba na mahaba ang puting buhok. Madumi daw yung damit. Yun nga lang, dun sa kanto, bigla itong nawawala!

Kaya mula noon, di na dumadaan si Ate Bebs doon ng ganung oras.

Yun ang laman ngayon ng kwentuhan sa tapat ng tindahan ni Aling Lydia. Nag-umpok-umpok ang mga Otcho Boys doon, sa pangunguna ni Prof. Gusto nilang lutasin ang hiwaga ng matandang babaeng biglang nawawala.

"Pano nyo lulutasin yon?" tanong ni Aling Lydia. "Huhulihin nyo?"

"Eto dapat si Sikyong Pedro and humuli don!" sabi ni Pareng Babes.

Saktong parating na si Sikyong Pedro non sakay ng bike niya. "Ano yon?" ika niya. "Parang nadinig ko pangalan ko dyan."

"Bilang dakilang sikyo ng Taas, ikaw daw dapat ang humuli sa multo ng matandang babaeng nagpapakita dyan sa kanto pag madaling araw!" sabi ni Totoy Golem.

"Bakit? Ano ang violation niya? Anung batas ang nagbabawal na maglakad at biglang mawala dyan sa kanto?" sagot ni Sikyong Pedro Otchowa (SPO) sa tonong namimilosopo.

"Kelan ka pa naging si Pilosopong Pedro?" tanong ni Golem.

"Game ako dyan kung sasama ka sakin at si Dagul sa paghuli!" challenge ni SPO.

"Bah! Wala akong kinalaman dyan, ha!" tanggi ni Dagul. "Kayo nalang dalawa! Di bale kung magandang sexy yung multo!"

Tawanan ang mga Otcho Boys.

Mamyang konti, me lumitaw na matandang babae sa kanto, naglalakad papunta sa kanila. Puti ang mahabang buhok. Mataba. "O, yan ba yung nakita ni Ate Bebs?" tanong ni Mr. Bean. "Hintayin nating biglang mawala."

Minasdan nilang lahat, hinihintay na mawala ang matandang babae.

"Oy, hindi ako multo, no!" ika ni Donya Buding, ang matandang babae. "At hindi madaling araw ngayon!"

Sabi pa ni Donya Buding (leader ng mga pulot-basura sa Taas):

"Pero nung isang madaling araw, at nung isa pa, me nakasabay akong babae dyan sa kanto. Nasa likod ko siya. Nung lumingon ako, nakita ko ang mukha niya! Natakot ako! Napalundag tuloy ako sa loob ng isang trash can!" Natawa siya. "Na-shoot ako sa loob!"

No comments:

Post a Comment

My thoughts, experiences and stories. Pang tanggal stress ni Jaden Mero at makapag-share ng Kwentong Kalog sa inyo. Importanteng maaliw at tumawa minsan-minsan!