Friday, October 28, 2016
Baka Sila ang Dumalaw Sayo
Ang talagang dahilan daw sa pagpunta nila Mr. Bean, Pareng Babes at Prof sa sementeryo pag Undas ay yung kasabihang, "Pag di mo sila dinalaw sa Undas, baka sila and dumalaw sayo." Syempre, tungkol ito sa mga kaluluwa ng mga yumao.
E, takot sila sa multo, kaya sila na ang dumadalaw sa sementeryo.
Kaya October 29 or 30 palang, naglilinis na sila ng puntod ng mga lolo't lola at tatay at nanay ni Prof. Si Mr. Bean at Pareng Babes naman, dahil malayong pinsan nila si Prof, nakiki-todos los santos nalang sa kanya.
Nung Nov. 1, 2016, gabi, dumalaw na sila sa sementeryo. Dyan lang, malapit sa Project 8, QC. Sumakay sila ng Jeep papuntang Tandang Sora, at mula doon, papunta na sa sementeryo. Mahaba na ang pila na mga taong naglalakad sa kalye at traffic na rin. Maya-maya, nakikita na nila ang mga nagtitinda ng kandila at bulaklak---ibig sabihin, malapit na ang gate ng sementeryo.
Masaya sa sementeryo kaya di naman nakakatakot. Mas nakakatakot pa nga sa bahay nila Prof. Me mga ilang lugar lang na madilim---hindi nalagyan ng ilaw ng admin ng libingan---pero yung ibang lugar maliwanag at ma-tao naman. Dami pa ngang nagtitinda ng snacks, softdrinks, squid balls, kikyam at sama-lamig kaya walang tigil ng kaka-kain yung tatlo. Me barbecue at litsong manok pa. At syempre taho at balot.
Pag Todos Los Santos ka lang makaka-kita ng taho sa gabi.
Dami ring nagtitinda ng mga laruang ma-ilaw. Sa lahat ng dako ng sementeryo me mga nagtatawanan at nagke-kwentuhan. Napa-daan pa nga sina Dagul, Totoy Golem, Lowie, Sikyong Pedro at si Sabas---mga Kalog Boys or Otcho Boys. Kwentuhan sila at biruan. Pero sandali lang sila, nagpaalam agad ke Prof dahil pupunta pa daw sila sa Himlayang Pilipino at sisilipin kung andun ako. Ang puntod kasi ng erpat at ermat ko nasa Himlayan.
Nung 11 pm na, umuwi na sila Prof, Mr. Bean at Pareng Babes sa Project 8.
At dun na nangyari ang di inaasahan...........
Nung nasa bahay na sila ni Prof (nag-aya si Prof na dun na mag-hapunan at matulog sila Mr. Bean at Pareng Babes---halatang takot mag-isa noon si Prof), biglang sumabog ang matinding simoy ng tila kapapatay palang na kandila sa gitna nila!
Nagka-tinginan ang tatlo.
"Teka, dumalaw na tayo sa puntod nila, diba?" ika ni Prof. "Ano ito?"
Tinignan nila ang palibot ng bahay ni Prof. At doon na lumitaw ang aninag ng mga anyo ng lolo at lola ni Prof---parang see-through ang dating sa background na manipis na ulap sa gitna ng dilim.
Sigawan ang tatlo na nangangatog pa ang mga tuhod.
"Lolo....lola....di po ba dinalaw ko na kayo sa sementeryo? Ba't pa kayo nagpakita?" ani Prof.
Sumagot ang matatandang multo: "Hindi. Gusto lang naming sabihing hindi ka na namin dadalawin dahil dinalaw mo na kami kanina....salamat ha."
Monday, October 17, 2016
Mga Pulis Trainee sa 7-11
Mga bandang late morning or early afternoon, mapapansin mo silang nag iipon sa 7-11, sa corner ng Road 20 at Short Horn. Mga pulis trainees sila---naka-uniporme ng pulis, me belt, posas at suksukan ng baril, pero walang baril. Under training pa kasi sila.
Meron naman silang senior leader---minsan dalawa, minsan isa lang---na me baril.
Minsang nakatambay ako sa 7-11 at relax na sumisipsip ng four seasons na Del Monte, andun sila, nag-a-assemble. Karamihan sa kanila dumating ng naka riding-in-tendem. Siguro me mga 20 sila. Ang babata at mga magaganda at gwapo (me mga pretty girls palang nagpupulis?). Yung iba pumasok sa loob ng 7-11.
Habang naka-assemble sila dun, eto na, dumating na sila Mr. Bean at si Dagul, naka-riding-in-tandem din sa motor na hiniram nila ke Derek. At ewan ko ba kung bakit kelangang naka takip pa ang mukha nila ng itim na bonnet at naka itim na jacket pa na leather. Hinala ko, hiniram din nila ke Derek ang mga ito. Wala naman silang pambili ng ganung getup.
Syempre, pag-dating nila, napa-tingin yung mga pulis sa kanila. Oo nga naman, kahina-hinala naman talaga ang mga itsura nila.
At eto pa---pagka-park ng motor, pumasok sila sa 7-11 nang hindi hinuhubad ang mga tinted helmets nila---AT PAPUNTA SAKIN!
Sinundan sila ng tingin ng mga pulis trainees. Yung ibang trainees nasa loob ng 7-11 at naka-upo sa mga snack stand. Tapos, eto na nga. Binuksan nila Mr. Bean at Dagul yung mga helmets nila para ipakita ang mga mukha nilang natatakpan ng itim na bonnet. Ang poporma talaga!
At tapos, sabi ni Mr. Bean sakin ng medyo pabulong: "Jad, dadaan daw dito sa Road 20 mga artista, pangungunahan ni Isabel Granada!"
Di ko masyadong nadinig (ang arte kasing magsalita ni Mr. Bean. Pa-sindikato effect pa).
"Ano yun?" tanong ko.
"Makikita natin si Isabel Granada dito sa 7-11, mag shoo-shooting daw!" sabi ni Mr. Bean. "Di ba peborit mo yun?"
Isabel lang ang nadinig ko.
"Isabel?" wika ko. "Sinong Isabel?"
"GRANADA!" sabay na sinigaw ni Mr. Bean at Dagul.
Nag tayu-an ang mga pulis trainees at yung mga nasa labas naman, nag-pasukan. Grinab nila yung dalawa at pinosasan habang naka-abang naman ang iba sa gagawin ko. Syempre, hindi ako kumilos. Ayoko ngang manlaban. Nginiti-an ko lang sila. "Fan po kami ni Isabel Granada, hehe," sabi ko sa pinaka-maamo kong boses.
Sa prisinto na kami nag-paliwanag. Buti, mabait naman yung mga pulis, naintindihan ang istorya namin, at nag apologize kami. "Sa susunod wag kayong sisigaw ng ganun!" sabi ni hepe. "At wag kayong manlalaban!"
Subscribe to:
Posts (Atom)