Showing posts with label Otcho Stories. Show all posts
Showing posts with label Otcho Stories. Show all posts

Sunday, March 1, 2026

Naalala Ko Yung Kababalaghan Nung 1990


Siguro nung 1989 or 1990--mga ganung year--naalala ko lang nung nagpunta kami sa Indang, Cavite para magsukat ng lupa. Nyugan yon. Kasama ko pinsan ko, si Eddie, sya may-ari ng nyugan. Tapos, sinama ko si Badong at si Sabas. Masukal kasi yung nyugan, madaming kakawate at matataas na talahib. Tapos ma-ahas pa daw dun. 

Kaya sinama ko yung dalawa, pang pa-in sa ahas. Kung may ahas, sila itutulak namin para makain. Masaya naman silang sumama dahil libre chibog at pasyal--at di nila alam na sila ang pa-in sa sawa. Sumasama sana si Sikyong Pedro pero duty sya sa gate ng area namin sa Ocho. Naiiyak-iyak sya nung paalis na kami sakay ng lumang oto ni Eddie. Binaybay namin ang Road 20, Shorthorn, Congressional, at EDSA. Madilim pa, alas-kwatro.



Alam ko maganda ang Indang, Cavite. Naparon na ako noon nung grade 3 or 4 ako, kasama ko ibang mga pinsan ko. Merong lumang bahay sila Eddie dun, tinayo daw nung panahon pa ng mga Kastila. Bato sa ground floor at kahoy sa second floor, yung wood design nung sina-una, hindi ginamitan ng pako, puro interlocking wooden joints lang.

So, andun na nga kami. Malamig noon dahil February, at sabi ni Eddie malapit lang sila sa Tagaytay. Pag dating namin hapon na dahil ang dami naming dinaanan at inayos na papeles nila Eddie, at gumagapang na nga yung lamig sa nyugan nila ng bandang 4pm. Lalo na nung alas-sais na. Malapit sa sabungan at mga pinyahan ang nyugan nila Eddie, at nag occular lang muna kami dun sa lupa. Gubat talaga. Pinag-pitas kami ng buko nung caretaker at uminom ng fresh buko.

Nung gabi, nag-ihaw kami ng tahong na binili namin sa palengke ng Indang. Antataba ng tahong. Nagluto din kami ng tulingan na binabaw lang sa sinaing. Ang sarap ng dinner namin, grabe! Tapos pinapak namin yung natirang tahong habang merong beer sila Eddie, Sabas at Badong, at ako naman 7-Up lang. OK na ako dun. Andun kami sa labas ng ancestral home nila, sa may porch. Maginaw na.

Tapos tumambay kami sa balkonahe. Ang balkonahe nasa second floor at nasa labas ang stairs. Ganon nung sina-una. Tapos may pasukan sa balkonahe papuntang mga bedrooms. Yung lumang bahay ni Eddie--parang small mansion ang dating--madaming secret passages kaya merong mysteryo minsan. Madami daw nagpaparamdam dun. Sabi-sabi, meron daw naka-baong ginto sa property.

Nung madilim na, kwentuhan na ng mga kababalaghan. Nung bandang 10 pm, may biglang aninong kumakaway sa may gate. Natigilan kaming apat. Mukang kababalaghan yung anino. Walang naka-kibo samin. Tapos nagsalita yung anino. "Eddie! Jaden! Kayo ba yan?" Nagtaka kami. Bakit alam mga pangalan namin. Napag-alaman namin, si Sikyong Pedro pala. Di daw sya nakatiis kaya sumunod sya after duty nya. Nasama na pala sya minsan ni Eddie dun kaya alam nya pano pumunta at naka-habol sya.



Nakasama namin sya sa kwentuhan, at tapos nung 12.30pm, natulog na kami, kanya-kanyang bedroom. Apat kasi yung bedroom sa taas. Si Sikyong Pedro sa salas sa ibaba. Bahala sya pag may nagparamdam sa kanya dun. Dun daw namamalagi yung White Lady. Tawa kami ng tawa. So, meron bang kababalaghang nangyari samin? Meron.

Bandang alas-dos, may mga yabag kaming narinig, sa balkonahe, tapos bumaba sa hagdan papuntang living room sa ground floor. Doon kay Sikyong Pedro! Tapos umakyat nanaman. Di ako naka-kibo. Gising din kaya mga ka-Ocho ko? Nadinig din kaya nila? Nung breakfast kina-umagahan, kwentuhan na. Nadinig din pala nila Eddie, Sabas at Badong yung mga footsteps. Si Sikyong Pedro, tahimik. Tulala. Baka sinaniban? "Nadinig mo din ba, Sikyong Pedro?" tanong ni Eddie. 

"OO!" sabi ni Sikyong Pedro. "Panong di ko madidinig, e ako yon." Nagulat kami at nagtawanan habang nagkakape. "Bakit akyat-panaog ka?" tanong ni Sabas. "Hinahanap ko yung CR. Ihing-ihi na ako!" Tawanan ulit. Nung nagpa-remodel kasi sila Eddie, nilipat nila yung CR sa likod ng bahay. Dati nasa harap sa may porch. 



MGA TAUHAN: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof Pekwa, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy and Gerry (mag-utol), Sir Tony (teacher), Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Victor the taho vendor, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy. At andyan din si Aling Lori na me karenderia, asawa nyang si Mang Boyet, at si Aling Lydia na me sari-sari store banda roon.

Tuesday, May 7, 2024

Alamat ng Ice Candy


Pag tag-init, kelangan alam mo ang alamat ng ice candy. Nagsimula yan sa tindahan ni Aling Asyang sa hilagang parte ng Quezon City, malapit banda sa Ocho. Nag titinda sya ng sari-saring prutas at mga pang-grocery. Syempre me yelo din sya. Uso na yelo nung 1950s kasi 1913 naimbento ni Fred W. Wolf ang prididyer at 1950s dumating yan sa Pilipinas. Di ko alam kelang dumating yan sa Ocho. Siguro nung 1963?

So si Aling Asyang abala sa pagtitinda nung summer ng 1953, madaming kutsero at taxi drivers ang nag-stopover sa store nya at bumibili ng samalamig---sago't gulaman pa ang tawag. Isang gabi, dahil sa sobrang pagod, basta nilagay nalang nya lahat ng paninda sa plastic na supot at tinambak sa freezer compartment, ika nya para walang mapanis. So nagtigasan lahat yun buong gabi. Kinabukasan, ayon! Nakita nya na nahalo ang mga prutas sa yelo, gatas at arnibal. Napa-iyak sya. Paano mabebenta yan e, nagka-halo-halo na. 


Shorthorn Road


Una, naisip nyang ibenta as halo-halo. Kaso nasa plastic bag at dumikit na dun sa plastic lahat. Sa puntong yon, dumating si Mang Andy, asawa ni Aling Asyang, at uhaw na uhaw ito. "I need water with yelo," ika nya, at gusto din nya ng mga malamig na prutas. Anything malamig, pero wag namang solid yelo lang. Nakaka-ngilo daw. E sabi ni Asyang, wala, dahil tumigas lahat sa freezer. Yelo lahat. Kahit tubig wala. 

Sa desperasyon ni Mang Andy, sinunggaban nya ang plastic bag na me halo-halong laman at yelo, kinagat ang plastic at sinpsip---flavored yelo na sya. "Aba masarap! Matamis, parang yelong candy!" sabi ni Andy, at tuloy-tuloy na ninamnam ito. Nag try din yung ibang nakakita at nagustuhan nila. Masarap na dessert daw at nakakapag-pa-pawi pa ng init. "Ano ba to?" tanong nila.


Jersey Road


E wala pang Tagalog ng candy noon. At di naman sila sanay tawaging "ice" ang yelo. Kaya sinabi nalang nila, "yung tinda ni Asayang at Andy!" Kaya gumawa ng madaming ganito si Aling Asyang, nakalagay sa plastic bag at pinapa-yelo. Twing me bibili, sasabihin lang ng bibili, "Yung tinda ni Asyang at Andy, isa." Kinalaunan, nakilala na ito sa "Asyang-Andy." Tapos, shinort cut pa, naging, "As-Andy." 

Di ba mahilig tayong mga Pinoy sa shortcut? Yung Quiapo nga dati (before pandemic) shinorcut ng mga barker ng "Kapo." Tas yung Project 8 naman, "Jeket." Buti hindi sinabi ni Willy, "Bigyan ng jeket yan!" 😂 Teka, napalayo na alamat natin. Back to the alamat.

Hanggang sa, yun na nga. Tinagwag nang, "As-Andy," and later, "Ays-endi." 

Hindi naman ice candy yan talaga, kundi, "As-Andy." 😂 Kaya baguhin nyo spelling.

--------------------------------

MGA TAUHAN: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof Pekwa, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy and Gerry (mag-utol), Sir Tony (teacher), Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Victor the taho vendor, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy. At andyan din si Aling Lori na me karenderia, asawa nyang si Mang Boyet, at si Aling Lydia na me sari-sari store banda roon.

Sunday, April 10, 2022

Lunes Santo



Ang lalaking itim. 


Mga isang oras ding naka-upo sina Sikyong Pedro, Golem, Dagul at Sabas (apat na hari) sa tapat ng white house sa Project 8. Earlier, me itim na anino daw na nagpapakita dito. Kababalaghan siguro. Pero alam nilang apat na me kalokohang magaganap, hindi kababalaghan. Merong hindi tamang nangyayari sa white house na gawa lang ng tao, hindi multo.

Photo above by David East on Unsplash.

Maya-maya, me tumalon sa bakod galing sa loob ng white house. Naka-itim ito. Pag-landing nya, nagulat sya sa apat na hari. Nagulat din sa kanya sila Sikyong Pedro, Golem, Dagul at Sabas. Saglit silang na-freeze lahat, di alam kung ano ang gagawin. Nakita ng apat na hari na malayong multo ang nakikita nila. Tao ito! Kaya napasigaw si Totoy Golem. "Hooy! Anong ginagawa mo dyan?" Sabay pito ni Sikyong Pedro. "Prrrt!!!"

Karipas ng takbo ang lalaking itim. Ngayon, nasiguro nilang walang kababalaghan sa white house. Pero ano ang pakay ng lalaking itim? Kasabwat ba nya si Lola Oyang? Pati kaya si Gerald d Dyaryo Bote ay sangkot? Sangkot saan? Krimen ba ito? Hinabol nila ang lalaking itim pero mabilis itong naglaho sa mga madidilim na bahagi ng kalsada. Palos ito sa takbuhan, akyatan at pagtakas. Parang atleta sa pag-galaw. Hindi pwede si Lola Oyang yun, ika ni Sabas. 

"Obvious ba?" sabat ni Golem. 



"Wag kayong pakaka-siguro!" ika naman ni Sikyong Pedro na frustrated detective. Dahil sa kakapusan sa pera ng family nya, di na nya natapos ang kursong Criminology. Di pa nga nya natapos ang first year. Kaya nag security guard sya. At least, medyo konektado, sabi nya sa sarili noon. "Malay ba natin kung me super powers si Lola?"

Nagka-tinginan sila Golem, Sabas at Dagul. 

Na-kwento ng apat na hari sa Ocho Boys ang kaganapan sa white house at ang habulan na sumunod. Nag-tawanan lang ang mga Ocho Boys at na-uwi na ang usapan sa bakasyon nila. Doon sa baryo nila Totoy Golem. "Hayaan nyo na nga yang white house na yan!" sabi ni Mr Bean. "di tayo yayaman dyan! Atlis sa bakasyon mabubusog tayo at mag-e-enjoy! Di ba Golem?"

Alanganing tumango si Golem. Maganda sa baryo nila pero me konti lang syang pangamba, lalo na sa gabi. "Siguro sa dami namin matatakot na ang mga elemento na magparamdam," sabi nya sa sarili. At sa kulit ng mga Ocho Boys, baka magsi-layas lahat ng kaluluwang ligaw. Hehe, natawa pa sya sa sarili. 

Na-delay pa nga ang bakasyon. Ang plano kasi, aalis kami ng March 11. Pero dahil anlaki ng natalo sa ilang Ocho Boys sa e-sabong, umabot tuloy ang alis namin ng April 11. "Biruin nyo, isang buwan ang antala!!!!" sabi ko sa kanila. "Wala talagang matinong kahihinatnan yang sugal!" pangaral ko. Para namang mga maamong aso (hindi tupa) ang mga mokong na nakinig sakin. "Dahil dyan, kelangan mag-bible study tayo doon sa baryo ha!"

"OPO!" sagot ng lahat. Natawa lang si Prof. 

Kaya Lunes Santo, humayo kaming lahat nang alas kwatro ng umaga sakay ng dalawang van. Buti't sinagot ni Mang Cardo ang rent sa van at drivers nito, plus nagpa-lakip pa ng Php 10K sa amin ni Prof, dagdag pang gastos daw ng Ocho Boys sa bakasyon nila. Si Mang Cardo ay mysteryosong milyonaryo sa Ocho na nakatira somewhere near Short Horn Road. Para sa background check ke Mang Cardo, click here. Tuwang-tuwa naman ang mga Ocho Boys, syempre. "Sana pala tinaya ko na yun ipon ko!" sigaw sa galak ni Pareng Babes, sabay tingin sa akin at takip ng bibig. "Taya sa lotto, Jaden," habol nyang paliwanag. 

Kaya ayun, tinahak namin ang Mindanao Avenue papuntang NLEX. 

[Itutuloy]

MGA TAUHAN: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof Pekwa, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy and Gerry (mag-utol), Sir Tony (teacher), Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Victor the taho vendor, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy. At andyan din si Aling Lori na me karenderia, asawa nyang si Mang Boyet, at si Aling Lydia na me sari-sari store banda roon. 

Wednesday, September 1, 2021

Me Treasure Daw Sa Ocho


Sa kasagsagan ng pandemia at mga variants, busy si Prof sa parit-parito, nililibot ang mga karatig kalsada sa Project 8. Napapansin na ito ni Badong at nai-kwento ke Sabas. Napansin din nyang tila di mapakali si Prof at kung saan-saang street nya nakikita pag namamasada sya ng tricycle. Naisip tuloy ni Sabas, me misteryo yata.


"Di kaya epekto ng bakuna yan?" tanong ni Badong. Aakalain mong nagbibiro sya. Pero hindi. Siryoso sya. Malay ba nya kung bagong side effect ng bakuna ang pagka-ligalig o lakwatsero? Dumaplis sa isip nya--kung sya naman kaya magka-side effect, saan naman sya maglalakwartsa? Ayaw nya sa Ocho lang. Siguro sa SM o Trinoma? Me aircon pa.

"E pare-pareho naman tayo ng bakuna, diba?" ika naman ng Sabas. "Matino naman ako," dagdag pa nya. Siryoso din sya sa pag-sabi nito. Walang bahid biro o malisya. Di nalang sana nya dinagdag yung "matino naman ako." OK na sana e. Andun na e. Pumalpak pa. 

Tinignan ni Badong ng maigi si Sabas. "We never know," sabi nya. Siryoso din.

Sakto namang padaan si Gerald d Dyaryo-Bote. "Mukang me bagong ganap ha. Ano ba balita?" tanong nya habang pinaparada ang kariton nya. Mga tricycle lang nila Sabas at Badong ang naka pila noon kaya maluwag na "pinark" ni Gerald saglit ang "oto" nya. Nilabas nya ang bottled water at uminom. "Ang init, tapos mamya uulan!" sambit nya.

"Nung isang linggo pa yang bottled water na yan ha!" puna ni Badong. "Pinapalitan mo ba ng laman yan? Palit-palit din pag me time!" Tawanan sila Sabas at Badong. "Saka mukang galing din sa digmaan yang bote mo! Palitan na yan!" Tawanan pa lalo. 

"Hindi na!" sagot ni Gerald. "Dyan kami lumalakas no! Me mga bitamina yan! Kaya kayo puro mahihinang nilalang kasi wala ng sustansya mga kinakain nyo!" Sabay tawang ganti ni Gerald. Actually, halakhak. Feeling nya naisahan nya sila. Pagkatapos ay kumambyo. "Teka, ano ba yang binubulong-bulung nyo dyan? Parang me bagong chismis. Ano ba yon?"

"Chismoso ka talaga," sabi ni Sabas. "Eto kasing si Prof kung saan-saan nagpupunta. Kung saan-saang kalye namin nakikita. Minsan sa me Mindanao-Road 20. Minsan sa Baryo San Jose. Minsan sa Paradise. Minsan sa me Tandang Sora. Parang me hinahanap!"

"At parang me malalim na iniisip!" segunda ni Badong.

"Baka in-love. Wahahahaa!" sabi ni Gerald. "Naghahanap ng gelpren. Yung utol ni Sikyong Pedro abelabol!"

"Alin?" biglang sabat ni Sikyong Pedro sa loob ng guardhouse. "Bat nadinig ko pangalan ko dyan?"

"Wala!" sabi nilang tatlo.

"Ganon?" ika ni Pedro. "Sayang. Me alam pa naman ako sa bagong raket ni Prof. Pero di bale nalang." Sabay pa-pito-pito ito na nakakaloko. Wari mo bang walang paki-alam.

"Anong raket?" sabay-sabay nilang tanong matapos sabay-sabay na lumapit ke Pedro.

"O! O! Distancing ha!" babala ni Pedro. "Mga pasaway! Dahil sanyo kaya kumakalat ang baliant!"

"O sige na! Magiingat na! Ano ba ang bagong raket ni Prof? Chicks nanaman?" ngawa ng tatlo. 

Lumingon-lingon muna si Sikyong Pedro. Nung nakitang walang iba tao, bumulong sya: "Meron daw naka-baong kayamanan sa Ocho, ayon sa mga lumang record sa library ng city hall!"

Nanlaki mga mata ng tatlo. Alam nilang di pwedeng magkamali si Prof. Matalino ito at masusing inaalam ang lahat ng bagay. Kaya malamang sa malamang, totoo ito. Me naka-baong treasure sa Ocho! Kelangan nilang makausap si Prof para bumakas man lang. 

"Pero wag muna nyo kausapin si Prof ngayon. Mainit ang ulo. Kanina dumaan dito at naka-busangot at maligalig. Binanggit sakin yung treasure daw na binaon sa isang ilog dito sa Ocho ng mga Katipunero nung panahon ng kastila," paliwanag ni Pedro.

"ILOG!!!" sabay-sabay na sigaw nila Badong at Sabas.

[Itutuloy]




Review lang po--baka nalimutan nyo na ang Ocho Boys (Kalog Boys)--eto sila: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy, Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy.

Tuesday, April 11, 2017

Byernes Santo at ang Mahiwagang Liwanag sa Ocho

DPChallenge
Ewan kung mey nakapansin nito kaninang madaling araw. Me mahiwagang liwanag sa bandang norte ng Project 8, at hindi yun ang araw dahil alas tres palang ng umaga. Nakita nyo ba? Noong Lunes Santo palang pansin na nila Prof at Pareng Babes yung pambihirang liwanag, at hindi din ito spotlight o malakas na flashlight lang. Sabi ni Prof at Pareng Babes, tila yata sa Tandang Sora or Quirino Highway ang pingamumulan nito at lumalabas naman daw dakong 9 ng gabi hanggang 12.

Liwanag siya na parang bahagyang nagliliyab---parang "glow" ng ilaw sa flashlight pag yung flashlight ay nasa likod ng mga halaman. Pero sa lakas nito, parang flashlight ng higante. Naalala ko tuloy nung minsang pumunta ako sa Bataan nung college pa ako. Pag gabi at nasa highway ka, me glow sa dulo nang highway kung saan andun yung Bataan Nuclear Plant.

Nuclear plant sa me north ng Project 8?

Kaya nung Miyerkules Santo, mga 9 ng gabi, nag bike sina Prof at Pareng Babes kasama sina Mr. Bean, Totoy Golem at Dagul. Pinag-kasya nila ang kanilang mga sarili sa 2 bikes---ma-diskarte din ang mga lekat. Binagtas nila ang kahabaan ng Tandang Sora, from Quirino hanggang sa Commonwealth. Kahit gabi na, mainit ang panahon. Buti dumadampi ang hangin sa mukha nila sa pagba-bike.

Wala na ang Amihan ng December at February, nawala na ng gitnang March, kaya mainit na talaga ang panahon. Wala na rin halos katao-tao at sasakyan sa Tandang Sora dahil nag-uuwian na ang mga tao sa probinsya. Parang nakakatakot tuloy sa Tandang Sora. Naka-panood ka ba ng episode ng The Walking Dead? Parang ganon. Pero hindi ganon.

"Ayun yung liwanag!" ika ni Pareng Babes na angkas ni Prof. "Parang sa gawi pa doon. Ano-ano ba ang mga lugar doon?"

"Ano yan e," sagot naman ni Dagul sa kabilang bike, angkas ni Totoy Golem," Ugong, Bagbag, Bagbaguin at San Bartolome. Pero malayo na mga yun! Pupunta pa ba tayo dun?"

"Parang galing kasi dun ang liwanag. Pinag-tataka ko lang, bakit abot-tanaw ito sa Project 8?" ika ni Prof.

"Ang lalong kataka-taka, bakit kelangan nating malaman?" reklamo ni Mr. Bean. "Biro mo gabing-gabi nagba-bike tayo dito! Ano nanamang kalokohan ito?"

"Baka gaya ito nung bitwin nung Pasko," sagot ni Pareng Babes. Sinusundan natin ang liwanag kasi patungo ito sa lugar nang kapanganakan ni Hesus!"

"E ano tayo? Tatlong Hari?" sabi ni Dagul.

"Di ka ba madunong mag-bilang? Limang Hari tayo ah!" sabat naman ni Golem.

Biglang singit ni Prof: "Oy! Semana Santa ngayon! Hindi Pasko! Walang bitwin at tatlong hari sa istorya nang Holy Week!"

Nang bandang mag-hahating-gabi na, nag-pasya si Prof na bumalik nalang sa Project 8. Pag-liko sa General, diretcho sila sa Save More and then sa Short Horn. Nung nasa Short Horn na sila, sa me bandang Toro Hills, pinag-masdan nila ulit yung ilaw sa north ng Project 8. Papa-wala na ito. Nag-almusal muna sila ng pares at nilagang baka sa kanto ng Road 14 at Short Horn.

Kina-umagahan, Huwebes Santo, nasa me terminal ng tricycle ang mga Ocho Boys at nagtatalo sa kung ano yung mahiwagang ilaw na tanaw sa Project 8 pag gabi. Sa katahimikan, umaalingaw-ngaw ang mga tinig nila at namamayani. Bahagyang naging parang Ghost Town ang ibang bahagi ng Project 8. Nasa bakasyunan na ang karamihan ng mga tao.

Finally, Biyernes Santo na. Lilitaw pa rin kaya ang mahiwagang liwanag?

Naki-usap ang mga Ocho Boys ke negosyanteng Akong---siya yung me hardware dyan sa Road 20---kung pwede silang mag-tambay sa gabi sa roof deck ng bahay nitong 4 floors ang taas. Pumayag naman ang mabait na si Sir Akong, "pero kayo bayad P50 each ha!" ang pahabol niyang kondisyon. OK naman ito sa mga Otcho Boys na naghahanap ng adventure nitong Holy Week.

Kaya ayun! Andun sa roof deck lahat ng bida dito sa Kwentong Otcho! Lahat sila, pati sina Aling Lory na me karinderia, at Aling Lydia na me sari-sari store. Pati si Sikyong Pedro. And later, pati na rin ako naki-gulo na! Andun kaming lahat ng 9 pm nung Black Friday! Kumita nang maganda sa amin si Sir Akong!

Mamyang konti, lumabas na ang mahiwagang liwanag! Medyo nakakatakot ang itsura niya, parang me sasabog! Yellow ang glow niya at parang tumitibok---bahagyang mamamaga at liliit. Pinanood namin ito hanggang 11 pm at namangha. Ano ito? Sinyales ng katapusan? Konektado ba ito sa mga serye ng lindol sa Mindoro at Batangas noon, at yung isa pa sa La Union ilang taon na, at yung recently, sa Davao?

Tapos, nangyari yung kinaka-takot ko!

Biglang me umangat na bilog na bagay na siyang pinagmumulan ng mahiwagang liwanag! Lumipad ito sa himpapawid at naglibot! Minsan, tila lalapit pa yata sa amin!

"Ay! UFO!" sigaw ni Aling Lory. "Me flying saucer sa atin! Katapusan na ng mundo!"

"Nilulusob na tayo ng mga alien!" sigaw naman ni Prof. "Baka China yan!" sigaw naman ni Mr. Bean.

Nagka-gulo na nga sa roof deck ni Sir Akong at sa mga kapitbahay na nabulabog namin. Naglabasan sila at nakita din nila ang UFO. Nag-novena na sila Aling Lory at Aling Lydia. Yung mga Ocho Boys naman nag-sisi ng kasalanan nila. "Babayaran ko na po ang utang ko ke Aling Lory! Promise, Lord!" sigaw ni Totoy Golem.

"Hindi na po ako manonood ng porn!" kumpisal naman ni Prof. Nabisto pa tuloy.

Mamyang konti, nagbago-bago ng kulay ang liwanag ng UFO at tapos mabilis itong puma-itaas sa langit at biglang nawala!

Tumahimik sandali ang lahat habang naka-nga-nga kami sa langit. Tapos, nagsalita na si Mr. Bean. "Ikaw at ang lahi mo ang me kasalanan nito!" sabi niya ke Sir Akong.

"Ha? Ako wala paki-alam dyan UFO na yan ha! Basta kayo bayad lang sakin, oke na ako!" sabi ni Akong.

"Hindi! Ikaw ang me kagagawan nito!" giit ni Mr. Bean. "Ikaw at ang China! Gusto tayong sakupin ng China, at ikaw Sir Akong, ang secret agent nila dito sa Project 8!"

Well, sinubukan ko silang awatin, pero useless. Umuwi nalang ako dahil Biyernes Santo---bawal ang mag-ingay hanggang Sabado de Gloria. Kayong readers, sundan niyo nalang sa news kung ano yung mahiwagang liwanag na yon. Tiyak ko, ibabalita ni Mel Chanco at Kuya Kim ito. Teka....Chanco? Chinese yun diba? Ang Kim naman Koreano.

Thursday, March 9, 2017

Me Ghost Story Din sa Summer Pag Me Time

Wattpad
Papunta akong Aling Lory's Sisig sa kanto isang tanghali nang mapa-daan ako sa tindahan ni Ate Lydia. Andun si Inday, me kini-kwento ke Ate Lydia, ang lakas ng boses, parang excited sa takot. Nung mas malapit na ako, nadinig ko, me multo daw! Inaalog daw ang bed niya nung gabi.

Nang mas malapit ako, napa-lingon sila sakin at ngumiti na medyo nahihiya. Lalo na si inday. Tapos, parang guilty na sinabi sakin, "Meron pong nagpaparamdam!"

"Me mumu ba?" tanong ko, naka-ngiting nakaka-loko.

Tumawa silang dalawa pero tawang nagsasabing totoo ang aking sinabi---me nagmumulto daw sa bahay nila inday dyan malapit sa tapat ng bahay namin! Medyo nanlaki din ang mga mata ko pero parang exciting! Magugustuhan ito ng mga Otcho Boys at pati mga Jogging Boys na madaling araw palang nasa kalye na!


And talking of Otcho Boys, biglang sumulpot sila Prof at Pareng Babes (me sa-multo din itong dalawa kasi minsan biglan na lang silang lumilitaw at nawawala). Parte sila ng mga Otcho Boys.

"Ano ba yan! Summer na summer, me multo?" pagtataka ni Prof. "March 10 palang, no!" Tatango-tango naman si Pareng Babes.

"Di ba tapos na ang Undas, last year pa?" dagdag naman ni Ate Lydia.

"Bah! Minsan pag summer nga nagpaparamdam mga yan!" katwiran naman ni inday. "At lalo na pag Mahal na Araw or Semana Santa! Nasa paligid lang daw mga yan!"

"Oo nga. Sabi nila nagliligid daw mga kaluluwa pag Biyernes Santo!" arya naman ni Pareng Babes. "Namamasyal at nananakot bago mag-Ester Sunday!"

Kamot ng ulo si Prof. "E ang layo pa nang Mahal na Araw!" sabi niya. "E, ano naman ang ginawa mo nung kinalampag ang bed mo?" tanong niya ke inday.

"Nag-takip ako ng kumot! Nanlamig ako! Nakakatakot!"

Maya-maya, eto na si Ondoy, asawa ni Inday. Pupunta daw saglit siya sa Munoz para bumili ng Biogesic. Masakit daw ulo niya dahil di siya nakatulog. "Bat di ka nakatulog?" tanong ko.

"Etong si Inday, and likot matulog. Sinipa ako at nahulog ako sa bed! Ang lakas pa humilik! Sa galit ko, pinagsisisipa ko ang bed tuloy!"

Nagka-tinginan kaming lahat.

"Tapos, sumigaw ba naman! Me multo daw! Lalo tuloy akong di naka-tulog! Takot ako no!"

Friday, October 28, 2016

Baka Sila ang Dumalaw Sayo



Ang talagang dahilan daw sa pagpunta nila Mr. Bean, Pareng Babes at Prof sa sementeryo pag Undas ay yung kasabihang, "Pag di mo sila dinalaw sa Undas, baka sila and dumalaw sayo." Syempre, tungkol ito sa mga kaluluwa ng mga yumao.

E, takot sila sa multo, kaya sila na ang dumadalaw sa sementeryo.

Kaya October 29 or 30 palang, naglilinis na sila ng puntod ng mga lolo't lola at tatay at nanay ni Prof. Si Mr. Bean at Pareng Babes naman, dahil malayong pinsan nila si Prof, nakiki-todos los santos nalang sa kanya.

Nung Nov. 1, 2016, gabi, dumalaw na sila sa sementeryo. Dyan lang, malapit sa Project 8, QC. Sumakay sila ng Jeep papuntang Tandang Sora, at mula doon, papunta na sa sementeryo. Mahaba na ang pila na mga taong naglalakad sa kalye at traffic na rin. Maya-maya, nakikita na nila ang mga nagtitinda ng kandila at bulaklak---ibig sabihin, malapit na ang gate ng sementeryo.

Masaya sa sementeryo kaya di naman nakakatakot. Mas nakakatakot pa nga sa bahay nila Prof. Me mga ilang lugar lang na madilim---hindi nalagyan ng ilaw ng admin ng libingan---pero yung ibang lugar maliwanag at ma-tao naman. Dami pa ngang nagtitinda ng snacks, softdrinks, squid balls, kikyam at sama-lamig kaya walang tigil ng kaka-kain yung tatlo. Me barbecue at litsong manok pa. At syempre taho at balot.

Pag Todos Los Santos ka lang makaka-kita ng taho sa gabi.

Dami ring nagtitinda ng mga laruang ma-ilaw. Sa lahat ng dako ng sementeryo me mga nagtatawanan at nagke-kwentuhan. Napa-daan pa nga sina Dagul, Totoy Golem, Lowie, Sikyong Pedro at si Sabas---mga Kalog Boys or Otcho Boys. Kwentuhan sila at biruan. Pero sandali lang sila, nagpaalam agad ke Prof dahil pupunta pa daw sila sa Himlayang Pilipino at sisilipin kung andun ako. Ang puntod kasi ng erpat at ermat ko nasa Himlayan.

Nung 11 pm na, umuwi na sila Prof, Mr. Bean at Pareng Babes sa Project 8.

At dun na nangyari ang di inaasahan...........

Nung nasa bahay na sila ni Prof (nag-aya si Prof na dun na mag-hapunan at matulog sila Mr. Bean at Pareng Babes---halatang takot mag-isa noon si Prof), biglang sumabog ang matinding simoy ng tila kapapatay palang na kandila sa gitna nila!

Nagka-tinginan ang tatlo.

"Teka, dumalaw na tayo sa puntod nila, diba?" ika ni Prof. "Ano ito?"

Tinignan nila ang palibot ng bahay ni Prof. At doon na lumitaw ang aninag ng mga anyo ng lolo at lola ni Prof---parang see-through ang dating sa background na manipis na ulap sa gitna ng dilim.

Sigawan ang tatlo na nangangatog pa ang mga tuhod.

"Lolo....lola....di po ba dinalaw ko na kayo sa sementeryo? Ba't pa kayo nagpakita?" ani Prof.

Sumagot ang matatandang multo: "Hindi. Gusto lang naming sabihing hindi ka na namin dadalawin dahil dinalaw mo na kami kanina....salamat ha."

Monday, October 17, 2016

Mga Pulis Trainee sa 7-11



Mga bandang late morning or early afternoon, mapapansin mo silang nag iipon sa 7-11, sa corner ng Road 20 at Short Horn. Mga pulis trainees sila---naka-uniporme ng pulis, me belt, posas at suksukan ng baril, pero walang baril. Under training pa kasi sila.

Meron naman silang senior leader---minsan dalawa, minsan isa lang---na me baril.

Minsang nakatambay ako sa 7-11 at relax na sumisipsip ng four seasons na Del Monte, andun sila, nag-a-assemble. Karamihan sa kanila dumating ng naka riding-in-tendem. Siguro me mga 20 sila. Ang babata at mga magaganda at gwapo (me mga pretty girls palang nagpupulis?). Yung iba pumasok sa loob ng 7-11.


Habang naka-assemble sila dun, eto na, dumating na sila Mr. Bean at si Dagul, naka-riding-in-tandem din sa motor na hiniram nila ke Derek. At ewan ko ba kung bakit kelangang naka takip pa ang mukha nila ng itim na bonnet at naka itim na jacket pa na leather. Hinala ko, hiniram din nila ke Derek ang mga ito. Wala naman silang pambili ng ganung getup.

Syempre, pag-dating nila, napa-tingin yung mga pulis sa kanila. Oo nga naman, kahina-hinala naman talaga ang mga itsura nila.

At eto pa---pagka-park ng motor, pumasok sila sa 7-11 nang hindi hinuhubad ang mga tinted helmets nila---AT PAPUNTA SAKIN!

Sinundan sila ng tingin ng mga pulis trainees. Yung ibang trainees nasa loob ng 7-11 at naka-upo sa mga snack stand. Tapos, eto na nga. Binuksan nila Mr. Bean at Dagul yung mga helmets nila para ipakita ang mga mukha nilang natatakpan ng itim na bonnet. Ang poporma talaga!

At tapos, sabi ni Mr. Bean sakin ng medyo pabulong: "Jad, dadaan daw dito sa Road 20 mga artista, pangungunahan ni Isabel Granada!"

Di ko masyadong nadinig (ang arte kasing magsalita ni Mr. Bean. Pa-sindikato effect pa).

"Ano yun?" tanong ko.

"Makikita natin si Isabel Granada dito sa 7-11, mag shoo-shooting daw!" sabi ni Mr. Bean. "Di ba peborit mo yun?"

Isabel lang ang nadinig ko.

"Isabel?" wika ko. "Sinong Isabel?"

"GRANADA!" sabay na sinigaw ni Mr. Bean at Dagul.

Nag tayu-an ang mga pulis trainees at yung mga nasa labas naman, nag-pasukan. Grinab nila yung dalawa at pinosasan habang naka-abang naman ang iba sa gagawin ko. Syempre, hindi ako kumilos. Ayoko ngang manlaban. Nginiti-an ko lang sila. "Fan po kami ni Isabel Granada, hehe," sabi ko sa pinaka-maamo kong boses.

Sa prisinto na kami nag-paliwanag. Buti, mabait naman yung mga pulis, naintindihan ang istorya namin, at nag apologize kami. "Sa susunod wag kayong sisigaw ng ganun!" sabi ni hepe. "At wag kayong manlalaban!"

Monday, September 5, 2016

Ang Lihim ng Donya Sotera Street



Nasa karinderia ni Aling Lory si Chayong, yung mukhang mayaman na nakatira dun sa townhouse along Assistant Street. Kausap niya si Oreo, yung driver naman sa kabilang townhouse. Naalala tuloy ni Pareng Babes si De Lima at yung driver niya. Puna ni Pareng Babes, me pinaguusapan silang mukang interesting, I mean si Chayong at si Oreo (Goryo ang full name niya).

Nung naka-order na si Pareng Babes ng lunch, umupo siya sa table na malapit sa dalawa. Kunwari absorbed siya sa kinakain niya pero nakikinig siya sa kwentuhan nila. Tinatalasan ni Pareng Babes ang tenga niya sa mga tinig nila. Minsan kasi me maingay na tricycle.

Akala naman ni Pareng Babes tungkol ke Duterte or extrajudicial killings ang pinaguusapan nila or yung bomb explosion ng Abu Sayyaf sa Davao.


Yun pala, naka-baong yaman daw sa isang luma at abandonadong bahay sa me Tandang Sora. Muntik maluwa tuloy ni Pareng Babes yung sinubo niyang kare-kareng pata. Ano ba yan---naka-baong yaman sa lumang bahay. Meron pa bang ganon sa panahon ngayon? ika ni Pareng Babes sa sarili. Ito talagang sila Chayong at Oreo, walang mapag-usapang matino.

"I suppose binabantayan ng white lady or dwende yung yaman na yon," ika uli niya sa sarili, tatawa-tawa.

"E yun daw, pag alas dose ng gabi at napag-labanan mo lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon, me bubukas na secret door at mapapasa-iyo yung yaman sa loob," sabi ni Oreo. Paniwalang-paniwala namn itong uto-utong Chayong. Si Pareng Babes naman, sige lang ang kain ng kare-kareng pata with bagoong, barbecue at ginataang gulay.

Mas masarap pala kumain pag ganitong me nadidinig kang tele-nobela sa tabi mo, naisip ni Pareng Babes. Binanggit ni Oreo ang address ng bahay, and for some reason, tumanim ito sa utak ni Pareng Babes---Villa Noreng, papasok sa Donya Sotera.

Na-kwento niya ito ke Prof later.

Ang bad news, kinagat ito ni Prof. "Pagkakataon na nating yumaman!" ika ni Prof. "Mamyang hating gabi pumaroon tayong tatlo ni Mr. Bean!"

Patay!

Nganga si Pareng Babes. Kahit mukang kalokohan yung kwento, nakakatakot din yun ah! Naalala niya ang mga salita ni Oreo: "...lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon!" Gusto akong isama ni Pareng Babes pero buti nalang nasa city hall pa ako. Later, kinuwento niya sa akin ang lahat.

Kaya 11 ng gabi, lumakad na ang tatlo. Sakay sa otong hiniram nila ke Derek, binaybay nila ang General, ang kahabaan ng Tandang Sora at lumiko sa Donya Sotera, pag lagpas ng Banlat. Dineretso nila ito hanggang inner road at natunton nila ang lumang bahay, "Villa Noreng"---parang panahon pa ito ng kastila. Pinark nila ang oto sa me garahe. Halatang garahe ito ng karwahe o karitela de kabayo noon.

Napaka-dilim ng paligid at pawang mga iyak at tili lang ng mga di nakikitang insekto o hayup sa mga naglalakihang puno sa paligid ang nadidinig nila.

"Ba't ba na-kwento-kwento ko pa ke Prof yung nakatagong yaman dito?" ika ni Pareng Babes sa sarili.

Pumasok sila sa lumang bahay---abandonado na ito kaya malaya silang nakapasok. Akyat sila sa second floor---at doon naghintay ng 12:00. Tinignan ni Mr. Bean ang cellphone niya---15 minutes nalang 12 na.

"What?" sabi ni Pareng Babes, lalong kinakabahan.

"Ssshhh!" awat ni Prof.

Mamyang konti, nadinig nila ang marahan  at malagim na "Dong! Dong! Dong!"

Me lumang orasan pala malapit sa kanila. Aba, eto lang orasan na to e kayamanan na pag binenta nila. Siguro worth P10,000 ito!

Mamaya-maya, ayun na! Nag-labasan na nga ang lahat ng katatakutan! Lahat na yata ng klase ng maligno at multo nagpakita sa kanila. Nagyakapan silang tatlo. Pinaglabanan nila. Siguro mga isang oras din.

Pagka tapos, nung mag-give up na ang mga multo at maligno, nakiramdam sila. Hinitay nila ang pagbukas ng isang secret door.

Ayun nga! Me bumukas na pinto sa dingding! Ang secret door!

Bumuntung-hininga ang tatlo. Di sila maka-paniwala! Yayaman na sila!

Pag bukas ng pinto, me lumabas na multo! Ito yata ang pinaka-boss ng mga multo! Nakaka-takot talaga ang anyo niya. Tinignan sila ng mabuti, sumimangot at nagsalita: "Di kayo natakot! Ang yabang niyo! Tse!"

Tapos, naglaho na ito.

Naghintay sila Prof, Pareng Babes at Mr. Bean. Matagal.........nainip na sila. "Yun lang?" tanong ni Mr. Bean.

Umuwi silang bigo. Luhaan pa nga.

Pero ang yayabang nila. Kesyo napatunayan nilang ang tapang-tapang daw nila at kahit sino ay kaya nilang hamunin sa patapangan! Kahit si Duterte o General Bato! Kahit frustrated, kwentuhan sila ng pagyayabang habang umuuwi. "Wala ang lolo mo sa lolo ko!..." tipong mga ganyan.

Kinabukasan, hinarap ni Pareng Babes si Oreo. Kwinelyuhan. "Walang hiya ka! Niloko mo ako!"

Laking gulat ni Oreo. "A-anong kasalanan ko sayo?"

"Sabi mo me binaong yaman sa lumang bahay sa me Tandang Sora, sa Donya Sotera!" sigaw ni Pareng Babes. "E wala namang yaman doon! Mga halimaw meron pero walang yaman! Baka hindi mo ako nakikilala! Ako ang pinaka-matapang sa Project 8! Siga ako ng Ocho!"

Nagisip si Oreo at saka nagliwanag ang mukha nito. Tapos, natawa!

"Anung tinatawa-tawa no dyan? Napahiya ako sa mga kaibigan ko!" ika ni Pareng Babes.

"Hindi mo ako masyadong nadinig kahapon!" Sabi ni Oreo. "Ang sabi ko, me naka-baong YABANG doon. Pag bukas ng secret door at nandun ka, mapapa-sayo ang YABANG!"

Saturday, July 16, 2016

Multo ng Droga sa Otcho

paete.org
Alam nyo ba na me multo daw sa Otcho, gumagala pag gabi?

Ganito yon. Sa isang kanto daw (di na natin babanggitin kung saan kanto para na rin sa kapakanan ng mga nakatira doon) me isang multo daw ng babae ang nagpapakita pag magdidilim na. Mga alas sais. Galit daw ito maka-titig. Nanlilisik ang mga mata!

Tapos, sa isang kanto ulit (di din natin babanggitin kung saan), meron naman daw lalaking naka-barong na pugot ang ulo.

Sa parehong salaysay, ako daw ang puntirya ng mga multo. Saking daw nakatingin.

"Sa akin? Pati yung pugot ang ulo?" tanong ko ke Pareng babes na nag-ulat sakin.

"Oo!" sabi niya.

"Pano tititig sakin ang pugot ang ulo? Walang mata yon!"


"Aba, Jaden! Ang multo ke pugot ang ulo, me kapangyarihang makakita mga yan!" pilit ni Pareng Babes.

"At kanino mo naman nabalitaan ito?"

"Dyan sa mga tricycle drivers sa kanto--at ung sunog-baga brigade sa kabilang kanto!"

"Sino? Sila Ketong Adik?"

"Tama ka, Jaden! Siya nga at barkada niyang sunog-baga! Alam mo naman, madaming alam na bali-balita dito sa Otcho mga yon!" sabi pa ni Pareng Babes.

"Teka, sumuko na ba sa barangay sila Ketong Adik?" usisa ko. "Patulan na nila itong special offer, bago pa sila madale. Madaming natotodas ngayon."

"Ayaw nila!"

"Bakit naman?" tanong ko.

"Magagalit yung babaeng multo at lalaking pugot ang ulo..."

Tuesday, May 10, 2016

Ba't Ayaw Ko Nang Bumoto ng Sobrang Aga

commuter96.rssing.com
May 9, alas singko palang ng umaga gumayak na ako. By 5:30 am, pumunta na ako sa presinto ko. Grabe, ang aga ko! Nag-aawitan pa ang mga ibon sa pagsalubong ng bagong umaga, andun na ako sa botohan ready to vote.

Wala pang pila, pero nagbubukas palang yung presinto. Buti't me dala akong pandesal na binili ko dyan sa me Road 20 nung napadaan ako papuntang plaza.

Tapos, mga after 30 minutes, nung umupo ako sa waiting area sa botohan, nangyari na.

Nakita ko si Gorio.

Medyo nagkukumpulan na mga tao (me pila na nga e, pero buti nasa me una ako), at sa kalagitnaan nila, sumulpot si Gorio bigla at nawala. Dumaan lang ng saglit. Well, I was sure si Gorio yun. Yung tindig niya, lakad at anyo.

Naka-barong pa nga siya.

Alam nyo yung sinasabi nilang flying voters at ghost voting sa news? Akala ko noon mga taong nagpapagamit sa pandaraya tuwing eleksyon sila.

Meron din palang totoong mga flying voters.

Minsan, maaga din ako sa presinto, mga 4 am. Nakita ko me lumilipad na mga tao! Me mga pakpak. Napasigaw ako---sabi ko "Ay! Flying voters!" sabay turo sa taas.

Walang tumingin sa taas. Basta tumawa lang yung mga tao sa paligid ko.

Ngayon naman, nakita ko si Gorio.

Matagal nang patay si Gorio, nung 1990 pa. At yung suot niyang barong sa ataol, yun yung nakita kong suot niya ngayon. Kinilabutan ako.

Mamyang konti, sumulpot nanaman siya banda roon, naglalakad patungong CR. Diretso ang katawan niya, parang matigas, at hindi lumilingon---parang kababangon lang sa ataol.

Pinuntahan ko siya sa CR.

Makita ko kaya ang multo ni Gorio?

Pag pasok ko sa CR, wala siya! San nag-suot yon?

Hinanap ko siya sa labas ng CR. Laking gulat ko nung nakita ko siya---andun siya, naka-upo sa silya ko kanina. Inagawan ako ng lugar!

Kaya ngayon, nasa una siya at ako naman nasa dulo na ng pila. Nauna siyang naka-boto. Ako, inabot pa ako ng siyam-siyam.

Kaya hinding-hindi na ako boboto ng sobrang aga uli.

Wednesday, April 20, 2016

Siya ang Dapat Nating Iboto

en.wikipedia.org
Umpukan nanaman sa kainan ni Aling Lorie sa kanto. Fully booked ang mga seats. Andun ang mga empleyado, ibang trike drivers, mga vendors at syempre the Otcho Boys.

Ang topic, sino ba dapat iboto for president?

Syempre, si Prof ang namumuno sa discussion. Parang nangangampanya sa mga kumakain.

"Ganito yan e," sabi niya, "kelangan natin yung matinong magsalita, hindi nagnanakaw, me pakinabang talaga, malusog at tunay na Pilipino. Kaso mo, lahat ng kandidato, kabaligtaran!"

"Ba't ba kasi hindi tumakbo ng presidente si Gordon e," sabi ni Mr. Bean.

"Noon ko pa hinihintay tumakbo si Victor Wood!" sabat naman ni Pareng Babes.

"Prof, OK naman si Digong, di ba?" pasok ni Sabas.

"Oo nga!" sigaw ng karamihan sa mga kumakain.

"Kelangan natin yung diretso at matapang magsalita!" sagot ni Prof.

"Si Digong nga!" sabi ni Totoy Golem.

"Hindi!" sabi ni Prof. "Kelangan natin me puso para sa bayan!|

"Si Grace Poe me puso!" sabi naman ni Dagul.

"Hindi siya!" sagot ni Prof. "Kelangan natin matuwid!"

"Si Mar nasa daang matuwid!" sabi ni Sikyong Pedro.

"Hindi," sabi ni Prof. "Kelangan natin hindi umuurong sa laban!"

"Si Miriam, matapang!" sabat ni Lowie.

"Hindi din!" sigaw ni Prof. "Kelangan natin sapat ang karanasan sa laban ng mga Pilipino!"

"Alam ko na! Si Binay me karanasan!" sabi ni Gerald.

"Hindi sabi e!" sagot ni Prof.

"E sino ba dapat iboto natin?" halos sabay-sabay na sabi ng lahat.

"Si John Arcilla" ika ni Prof.

Nag-isip lahat...

Kung nag-tataka ka rin, panoorin mo ang Heneral Luna.

Monday, April 18, 2016

Ang Multo sa Otcho

www.photocircle.net
Yun yung sabi ng mga saksi---me multo daw sa Otcho!

Eto yung kwento.

Naglalakad daw si Ate Bebs (labandera ng isang residente dyan) isang araw ng 4 am. Galing siya sa Accounting Street at me nakasalubong na babae sa kanto ng Assets at Accounting--dyan sa Taas, malapit sa The Village Brew at Nori Mart na mga favorites nyo. Nasa harap mismo niya yung matandang babae na puti ang buhok, naka-talikod sa kanya, naglalakad. Tapos, ilang hakbang lang daw niya, matapos siyang titigan nung matandang babae, bigla itong nawala!

As in, poink! Biglang naglaho!

Nangyari uli yun isang madaling araw nanaman. At pansin niya, pag medyo umaambon, dun ito nagpapakita. Kaya wag lalabas pag quarantine curfew na. Kahit pa saang dako ka nakatira sa Project 8. Baka maligaw dyan sa inyo itong babaeng ito. Kasi pwede nang sumakay ng tricycle ngayon. O jeep. O kaya malay natin, baka me car sya.

Anyway, nagkakahulan daw mga aso sa paligid at  tapos biglang sumulpot uli si babae from nowhere sabi ni Aling Bebs. Syempre, medyo kinutuban na siya kasi second time around na to. Alam na nya mangyayari. So takot na takot daw siya. Kasi itong si Aling Bebs talagang madalas nakakakita. Baka meron daw syang 4th eye--o third ba?

Matanda daw na mataba na mahaba ang puting buhok. Madumi daw yung damit. Parang medyo galit maka-tingin. Astig, kung baga. Yun nga lang, dun sa kanto, bigla itong nawawala! Kitang-kita nya itong nawala! Nakaka-panindig daw ng balahibo, lalo't balbon ka.

Kaya mula noon, di na dumadaan si Ate Bebs doon ng ganung oras.

Yun ang laman ngayon ng kwentuhan sa tapat ng tindahan ni Aling Lydia. Nag-umpok-umpok ang mga Otcho Boys doon, sa pangunguna ni Prof na kinikilalang henyo sa lugar (pero tambay din). Gusto nilang lutasin ang hiwaga ng matandang babaeng biglang nawawala sa kanto. Ba't sa kanto? Ba't hindi sa gitna ng kahabaan ng kalsada? Di ba?

"Pano nyo lulutasin yon?" tanong ni Aling Lydia. "Huhulihin nyo?"

"Eto dapat si Sikyong Pedro and humuli don!" sabi ni Pareng Babes. Si Sikyong Pedro ang madalas naka-tao sa guard house dun sa lugar nila. Kapatid nya si Senyor Pedro na magaling naman sa ihawan at nakatira dyan sa me Short Horn.

Saktong parating na si Sikyong Pedro non sakay ng bike niya. "Ano yon?" ika niya. "Parang nadinig ko pangalan ko dyan." Syempre excited sya pag sya ang bida at talk of the town.

"Bilang dakilang sikyo ng Taas, ikaw daw dapat ang humuli sa multo ng matandang babae na nagpapakita dyan sa kanto pag madaling araw!" sabi ni Totoy Golem. "Kasi, ikaw ay isa nang alamat!" Dagdag pa ni Golem. Si Golem ang nasayang ang sobrang tangkad kasi bamban sa basketball.

"Bakit? Ano ang violation niya? Anung batas sa classroom ang nagbabawal na maglakad at biglang mawala dyan sa kanto?" sagot ni Sikyong Pedro Otchowa (SPO) sa tonong namimilosopo. "Baka walang violation, patawarin nyo nalang!"

"Kelan ka pa naging si Pilosopong Pedro?" tanong ni Golem.

"Game ako dyan kung sasama ka sakin at si Dagul sa paghuli!" challenge ni SPO (Sikyong Pedro Otchowa). "At kung magpapa-kape si Aling Lydia!"

"Bah! Wala akong kinalaman dyan, ha!" tanggi ni Dagul. "Kayo nalang dalawa! Di bale kung magandang sexy yung multo!"

Tawanan ang mga Otcho Boys.

Mamyang konti, me lumitaw na matandang babae sa kanto, naglalakad papunta sa kanila. Puti ang mahabang buhok. Mataba. "O, yan ba yung nakita ni Ate Bebs?" tanong ni Mr. Bean, na isa sa mga dakilang tambay. "Hintayin nating biglang mawala." sabi nya sabay halakhak. Nanlaki ang mga mata ng mga Otcho Boys. Hawak naman ni Sikyong Pedro ang pito nya.

Minasdan nilang lahat, hinihintay na mawala ang matandang babae sa kanto.

"Oy, hindi ako multo, no!" ika ni Donya Buding, ang matandang babae. "At hindi madaling araw ngayon!"

Sabi pa ni Donya Buding (leader ng mga pulot-basura sa Taas):

"Pero nung isang madaling araw, at nung isa pa, me nakasabay akong babae dyan sa kanto. Nasa likod ko siya. Nung lumingon ako, nakita ko ang mukha niya! Natakot ako! Napalundag tuloy ako sa loob ng isang trash can!" Natawa siya. "Na-shoot ako sa loob! Andun lang ako. Hinintay kong mawala yung babae."

Monday, April 11, 2016

Samalamig sa Plaza, Solve-Solve Na

www.flickr.com
Mainit diba?

Grabe! Nung isang araw, mga after lunch, nagiinuman kami ni Prof and Sabas ng iced pineapple juice sa bahay namin. naiwan lang namin sandali yung mga baso namin---aba, nung binalikan namin ang init na hawakan. Akala mo binanlian ng mainit na tubig!

Manghang-mangha kami.

"Baka 40 na tayo ngayon," ika ni Prof, tinutukoy yung temperature.

"Pano mo nahulaan, Prof?" tanong naman ni Sabas.

"Wala, yun lang pakiramdam ko."

"Wow ha, feeling young ka pa rin pala!" sabi ni Sabas.

"Anong feeling young?" tanong ni Prof.

"Sabi mo pakiramdam mo 40 lang tayo ngayon! E di ba senior ka na?" sagot ni Sabas, with matching smile pa. Lasing na yata itong si Sabas sa pineapple juice.

Di pa kami nasiyahan. Lumabas kami (terible ang init!) at pumunta sa me grocery dyan sa kanto ng General at Assistant. Me samalamig dyan, dun sa nagtitinda ng banana cue at turon (pirmi namang ubos agad yung turon nila). Tumagay p akami ng madaming sagot gulaman.

Pero eto na si Roy at si Peps. Galing daw sila ng plaza.

"Ano ginawa nyo doon, e ang init-init?" tanong ni Prof.

"Nag-kwentuhan lang. Eto nga bibili pa kami ng samalamig at babalik kami sa plaza ulit para ituloy ang kwentuhan namin," ika ni Roy. Nilalagay nila ang samalamig nila sa isang termos.

Di na kelangan magpunta sa SM or Trinoma. Sa Otcho, solve-solve na sa plaza bastat me samalamig kayo.

Thursday, March 31, 2016

Tagaytay Bulalo at ang "Sitsit" Mystery sa Hotel Room ng Otcho Boys


Syempre summer na nga kaya di pwedeng hindi mamamasyal ang Kalog Boys---or "Otcho Boys mula ngayon (kasi sabi ni Prof, sa Otcho sila nakatira kaya nararapat lang na Otcho Boys dapat ang tawag sa kanila. Nag-botohan sila at nanalo ang "Otcho Boys" sa "Kalog Boys").

So, from now on, it's officially Otcho Boys.

Napagka-isahan din nila na sa Alfonso, Tagaytay sila mag-o-overnight. Isang sobrang lumang hotel dun. Katuwaan lang. Pero me isang masidhing layunin talaga kung ba't Tagaytay ang napili nila. At syempre, pinag-ipunan nila ito. At lahat talaga ng Otcho Boys kasama! Grabe!

Eto kami---

Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy, Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy.

O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy.

Kaya 15 kaming lahat na kasama sa Tagaytay adventure namin this summer! Umupa kami ng air-con van na pang-14 passengers. Pinag-kasya nalang namin mga sarili namin plus mga bagahe. Ang driver si Pepot, taga Otcho din.

Otcho Boys talaga!

Tulog kalahati ng Otcho Boys sa biyahe. After mga 3 and half hours, nasa Nuvali na kami paakyat na ng Tagaytay. Tapos mamyang konti, nakita na din namin yung Taal Lake. Haaay! Tagaytay! Nagising na lahat ng mga Otcho Boys at nagsi-hiyawan sa tanawing nakita nila. Parang painting ang itsura ng Taal Lake. Payapa.


Dumeretso na kami sa hotel namin sa Alfonson---sa Julina Hotel. Lumang-luma na ito, gawa sa mga sina-unang kahoy kaya siguro medyo mura siya---P500 a night lang, good for 20 pa yung room. Me 10 double beds. OK na OK!

Binaba na namin mga bagahe namin. Nag-unahan sa kama mga makukulit na boys at nakita namin, overlooking pala ito sa mga bundok na me pinyahan at me lawa banda roon. Sarap pa ng simoy ng hangin!

Biglang nagreklamo si Mr. Bean. "Di pa ba tayo kakain?" Di nga pala kami nag-breakfast at 12:30 pm na ngayon.

Naalala tuloy ng lahat na gutom na sila. At kaya nga pala kami andito sa Tagaytay ngayon ay dahil sa bulalo! Pinagayak ko ke Pepot yung van uli at pinuntahan na namin yung pinagmamalaking bulalohan ni Derek dito sa Tagaytay. Masarap daw talaga ang bulalo at pritong daing na bangus doon!

After mga 20 minutes andun na kami---at WOW! Overlooking Taal Lake pa! Gawa sa kahoy mga tables and chairs at labas-masok ang fresh air!



Nag-order kami ng bulalo at fried daing na bangus, at maya-maya pa, sinerve na yung bulalo! Amoy pa lang, ulam na! Humigop ng sabaw mga Otcho Boys at muntik na nilang maubos ang sabaw kahit wala pang kanin kung di ko lang sila pinigilan.


After mga 45 minutes---"Burp!" sabi ng mga tyan namin. Hinimas-himas pa ni Derek ang bola nyang tyan. Nagsi-toothpick lahat at tahimik na minasdan ang Taal sandali.

Back in the hotel, nagkanya-kanyang upo sila sa mga beds nila at tapos nagka-kwentuhan. Just imagine, 15 lahat sila, including si Pepot, na gustong mag-kwento. Lahat sila pakikinggan mo. Pero madalas, si Prof Pekwa ang nasa entablado at pinakikinggan ng lahat.

Tapos, naisip niyang mag-bible study muna kami. "Teka, ba't di tayo muna mag-bible study, Jaden?" aya niya sakin. Sino ba ako para tumanggi?

So, dun kami sa Revelation 20:7...

He who overcomes will inherit all this, and I will be his God and he will be my son.

So, nag-discuss na at samo't-saring tanong ang lumabas. Me mga tanong na OK, like pano ba magsisi ng kasalanan at maligtas. Pero mamyang konti nag-weirdo na. Kung saan-saan na napunta. Me tanong tungkol sa World War III, sa UFO at aliens, ke Michael Jackson, sa China at sa mga White Ladies.

At tuloy, natanong ni Mr. Bean: "Me multo kaya dito?"

Natahimik kami sandali. Tapos, bumanat naman si Pareng Babes: "Malamang. Napaka-luma na nitong hotel e."

Nagka-tinginan sila. Biglang tumabi si Gerald ke Roy.


"Kaka-sabi ko lang kanina, si Hesus lang ang me kapangyarihan at lahat ng demonyo takot sa Kanya," basag ko sa katahimikan. "Tapos, takot na agad kayo uli!"

"O nga!" sabat ni Prof. "Andito naman si Jaden at ipag-pe-pray tayo!"

So, kwentuhan at kulitan ulit ang Otcho Boys hanggang takip-silim. Yung iba, gaya ni Mr. Bean, natulog. Yung iba, nagkakantahan kahit sintunado---dinala pa kasi ni Sabas yung gitara niya.

Nag-dinner kami sa ibang karinderya naman, pero bulalo ulit ang pagkain. Sarap talaga ng mainit na bulalo sa Tagaytay, lalo't me kalamigan ang ihip ng hangin sa gabi.

Pagka-balik sa Julina Hotel, naglakad-lakad kami sa paligid para matunawan, tapos pumasok na kami sa hotel at naghiga-higa na sa beds namin.


Nung 10 pm na, me nakalimutan daw si Lewy sa van kaya nagpasama siya ke Pepot. Pag-akyat nila ulit, me magandang chicks daw na nakatayo sa corridor. Makikipag-kilala daw sana sila pero na-torpe sila. Hiyawan ang Otcho Boys. "Mana kayo ke Roy!" sigaw ng isa. Numero uno kasing torpe si Roy.

"Chicks? Sinong chicks?" tanong ni Prof.

"Ganda babae, Prof! Siguro katabing kwarto natin, or isa sa mga rooms!" sabi ni Lewy.

"Sabi ng me-ari ng hotel, tayo lang daw andito. Di ba ako kausap niya?" sabi ni Prof.

Tumahimik lahat. Parang gusto yatang masira ng tyan ko.

"Sige, matulog nalang tayo," announce ko nalang.

Mga bandang 2 ng umaga, me sumisitsit. Nagising lahat.

"Walang takutan ha!" sabi ni Mr. Bean. "Totoy Golem, ayoko ng ganyang biro ha!"

"Ano?"

"Alam ko kayo ni Dagul yung sumisitsit!" sabi ni Mr. Bean ke Golem.

Sumitsit ulit. At sumitsit pa. At isa pa. At tapos, me biglang sumulpot na batang babae, tumakbo mula kung saan palabas sa pinto. Ang nakakatawa, lumusot ito sa pinto kahit nakasara!

Well, napa-uwi kami bigla ng 2:30 ng umaga. Habang pababa from Tagaytay, nagmuni-muni ako. At saka ko na-realize....Julina Hotel.....julina......pero huli na ang lahat.

Wednesday, March 30, 2016

Na-Zombie nang Dahil sa Facebook Post Niya

Mag-ingat ka sa mga FB posts. Either sa mga posts mo or sa mga posts ng friends mo---lalo na yung mga "friends" na hindi mo naman talaga kilala.

Wag basta-basta mag LIKE.

Dyan na-biktima si Ciara Yamson, isa sa mga MTrackers of Project 8, QC.

Ang Project 8 ay dun sa ibayo ng Otcho---nasa parehong lugar sila pero magka-iba ng kinalalagyan. Ang mga Otcho Boys ay nasa Otcho (na Project 8 din) at ang mga MTrackers ay nasa Project 8 naman (na Otcho din).

Ano ang MTrackers? Click mo ito para makita mo.

Anyway, itong si Ciara---napaka-ganda, napaka-bata, at napaka-puting high school student---ay walang ingat sa halos lahat ng bagay, lalo na sa Facebook. Masaya kasi siya pag popular siya.


Siya ang pinaka-maganda sa school nila, sa buong Project 8 pa yata. At gusto din niya sa buong Facebook.

Palibhasa, artistahin talaga. Mestiza.

Pero one day, nagkamali siya ng friend-accept at likes niya. Dahil dito, nagkaron siya ng stalker na hinabol siya hanggang sa bundok---sa bundok pa yata ng mga zombies at bampira!

Tiba-tiba ang mga zombies at bampira sa kanya dun!

Ako ang lumikha nitong e-book story na to. Ang title niya: "The Facebook Post Mystery Adventure." Ako si Jaden Mero, isa sa mga bida sa MTrackers at isa sa mga writers din ng MTrackers of Project 8.

Pero ako lang ang may akda ng Kwentong Otcho at nitong e-book na ito. Suspense talaga ito! At kung gusto ninyong mabasa ito, bilin nyo.

Mura lang siya, P300. Sa English siya naka-sulat at mada-download ninyo sa PDF.

Kung bibili ka, click mo itong link na ito. Magbabayad ka sa Paypal namin. Tapos mong magbayad, dadalhin ka sa page na andun yung PDF download link.

Kung di mo ma-download, papadala nalang namin sayo through email yung e-book. Sabihin mo lang samin.

OK?

Tuesday, March 22, 2016

Himala sa Otcho Nitong Mahal na Araw

en.wikipedia.org
"Mahal na Araw"...ba't ba Mahal na Araw ang tawag e sa English naman Holy Week? E di dapat Loved Day (o Costly Sun?).

Yan ang muni-muni ni Pareng Babes minsan pag Semana Santa na. Dati, nagbabasa ng Pasyon ang mga Kalog Boys ng Otcho. Pero ngayon, muni-muni nalang. Mula nang nawala na ang mga orig at mga damatan ng Otcho--sila Aling Pepay, Aling Merced at Aling Mitring--nawala na rin ang tradition ng Pabasa.

Naalala ko nung bata pako (teenagers kami sa high school), me tatlong lugar sa Otcho kung saan nadidinig yang Pabasa--dun yata sa me gawing Records Street, tapos sa me Ofelia yata, at dun sa me bandang Branches. Naka-mic yung mga nagbabasa kaya dinig ko sila mula umaga ng Miyerkules hanggang hapon ng Biyernes. Habang naka-salampak lang ako sa sopa ni lola at nag-aantay mag-Sabado (dahil Sabado pwede na kaming mag-ingay at maglaro) nadidinig ko ang umaalon-along mga boses nila.

Nakaka-aliw naman. Ang totoo nga, na-mi-miss ko sila today. Hinahanap-hanap ng tenga ko ang mga tinig nila pag ganitong Mahal na Araw.

Ngayon, andun nalang at mag-uumpok ang mga Kalog Boys sa tindahan ni Aling Lydia o kaya sa kainan ni Ate Lorie. Minsan andun sila sa barbershop sa Claims o kaya sa me Road 20. Hihingi sila ng Indian Mango kela Mang Rubio dyan sa Assistant tapos ngangatain nila habang nagkwe-kwentuhan.

Ganyan nalang ngayon ang Holy Week nila.

So, ngayong Holy Wednesday, hinahanda na ng mga yan yung mga Indian mango nila, sa-malamig na sago't gulaman, kornik at fishballs. Bawal ang karne kaya wala muna silang barbecue.

Malamang andun silang lahat ngayon sa bahay ni Prof at inaayos ang lahat-lahat (at nag-aasaran din, lalo na sila Dagul, Totoy Golem at Mr. Bean). Tapos, mamya, dadalhin na nila lahat sa kainan ni Ate Lorie or tindahan ni Aling Lydia.

Ngayon, eto ang himala...

Walang nag-mumura!

Kasi, kanina nadaan ako sandali sa bahay ni Prof pagka-palengke ko sa Super Palengke dyan sa Benefits. Nakinig ako sa kwentuhan nila habang nagbabalat sila ng isang kaing yata yun ng Indian mango. Aba, nag-uusap-usap sila pero walang nag-mumura!

Parang nakaka-miss tuloy yung mga murahan nila. Hehe...joke.

Ganito usapan nila. Watch this...

"E kung di ka pala naman...ahh...ah...kaka-iba...tinamaan ka ng hangin, hindi ganyan magtalop nyan!" sigaw ni Dagul ke Mr. Bean.

"Oy, oy, oy! Mga...ah...ah....hilong talelong kayo! Mahal na Araw ngayon, wag kayo maingay!" sabat naman ni Prof.

"Palibhasa para kayong mga...ah...ah....mga kandidato....mga plastic! Akina na nga yang fishballs at ma prito na!" sabi naman ni Derek.

"Oy! Oy! bukas pa pri-prito yan! Gusto mo bang malanta yan bukas, ha, kulas ka!" sabi naman ni Mr. Bean.

Well, at least, kahit nagtutuksuhan at nag-aasaran pa rin, iniiwasan nilang mag-mura talaga. Kaya naman pala nila e. Sana panghabang-buhay na!

Thursday, February 18, 2016

Mas Masahol pa Daw sa Hayop, Biruin Nyo?

www.lifehack.org
Nag-bangayan itong sila Pareng Babes at Derek habang naka-tambay sa store ni Aling Lydia. Yung dalawang aso kasi nag-landi-an sa harap nila sa kalye. Tapos sabi ni Prof, bastos daw yung mga aso, mas masahol pa sa tao.

Aba, e di nagalit si Derek. "Oy, tao ako. Anung ibig mong sabihing mas masahol pa sila sa tao? Hinahamak mo ba kami?"

"Oy, wag ka sumali sa usapan. Kami lang ni Lydia ang naguusap!" sagot ni Prof.

"Aba, at bakit hindi ako sasali sa usapan? Ano ako, hayop?"

"Wala akong sinasabing ganyan, Ang sabi ko lang ke Lydia, mas masahol pa sa tao itong dalang aso na to!" balik naman ni Prof ulit.

"Ibig mong sabihin, labis na ang kasamaan ng tao? Mas mabait pa ang mga hayop sa kanila?" ask naman ni Derek.

"Bakit? Hindi mo ba alam?"

"Ang alin?"

Umayos ng upo si Prof at nagsimula: "Di mo pala alam. Ganito yan. Nung unang panahon, nag-usap ang bundok at dagat. Tinanong ng dagat, 'Ano sa palagay mo ang kulay ng bitwin?' Sumagot naman ang bundok: 'Ano pa,  e di kulay pilak.' Ganun na lamang ang tamis ng pagsasamahan ng bundok at dagat..."

Nagpatuloy sa kwento si Prof. At palibhasay Prof ngang tinuturing sa Otcho, nakinig naman sina Pareng Babes at Aling Lydia. Me authority, ika nga, kasi si Prof, kahit di naman talagang professor. Naka-salamin lang kaya mukang genius.

Lumayo na ng lumayo sa talagang usapan, hanggang nakarating na sila sa panahon ng Kastila at Hapon, tapos ke Arnold Schwarzenegger, at nagtapos sa, "The Martian," yung palabas ni Matt Damon.

Tawanan silang tatlo. Ginabi na sila.

"O pano, ma-una na ako at gabi na. Inaantok nako," ika ni Prof.

Nung wala na si Prof, nagusap ang dalawa.

"Ano na nga ba yon?" tanong ni Pareng Babes.

"Alin?"

"Yung pinag-uusapan namin ni Prof kaninang umaga?" sabi ni Babes.

"Yung bundok at dagat?"

Sunday, February 7, 2016

Bakit Malakas ang Hangin

mycartoonthing.com
Pag ganitong February, lumalakas ang hangin, lalo na sa Otcho. Hindi dahil sa hanging amihan o climate, pero kasi andyan si Badong. ang hari ng hangin sa Otcho. Pero, on second thought, of course medyo dahil sa amihan an rin at climate. Damay na rin yun.

Si Badong ay tiga-amin, malapit sa street namin, at minsan sumasama siya sa Kalog Boys. Minsan lang, kasi parang halata niya rin na asar sila Totoy Golem at Dagul sa kanya. Takot siya sa dalawang siga na to na nagbago na rin mula nung sinaman ko sila sa bible studies ko.

Minsan nga, "Bading" ang tukso nila ke Badong kasi pag ang lalaki daw e sobrang daldal at puro lang dakdak, parang hindi daw lalaki. So bading daw. Natatawa lang ako pero minsan naaawa rin ako ke Badong.

Minsan lang.

Kasi mahangin naman talaga. Gusto siya parati ang bida at siya parati ang tama. Siya lang ang magaling. Walang ibang bukang bibig kundi siya at yung mga bagay na na-a-accomplish niya.

Pero me ganon talagang mga tao. Parte na sila ng buhay. Sila ang dahilan kaya minsan nasasanay tayong mag-pasesnsya---pero yung iba naman, kaya sila napupundi agad. Nakakasawa din kasi minsang ikaw na lang na ikaw ang iintindi sa mga mayayabang.

Pero ika nga ni Lord, love your enemies. Kaya kahit mga unlovables, matutunan na nating pag-tyagaan minsan. Yan ang kewentong otcho natin today sa Chinese New Year's Day.

At, oo nga pala, Februaru na kaya malapit na an g summer! Excited na ang Kalog Boys sa summer! Sana patuloy na maging mahangin sa summer--nang hindi si Badong ang dahilan.

Wednesday, November 4, 2015

Alulong ng mga Aso Sa Gabi ng November 2

hellhorror.com
Pahabol ito sa Undas.

Ako si Jad, ang me akda ng Kwentong Kalog.

Di kasi ako nakatulog nung gabi nitong November 2, All Souls Day. Ang lakas ng mga alulong ng mga aso ng kapitbahay. Di ba me ibig sabihin daw yan, sabi ng mga matatanda?

Mga kaluluwang naglilibot daw.

At walang patid yun ha--alulungan sila from siguro 9pm hanggang madaling araw. Kaya ginawa ko, sumilip ako sa jalousie namin--nasa attic namin ako.

Wala akong nakita.

Well, syempre nakita ko yung itim na aspalto sa kalye at yung ilang naka-park na mga kotse ng kapitbahay. Maliban doon, wala na.

Kaya nagpasya akong lumabas.

Dahan-dahan kong binukas ang front door namin at naglakad sa gilid ng sidewalk. Actually, dun ako naglakad sa tabi mismo ng mga bakod sa harap ng mga bahay, nakukublihan ako ng mga halamanan. Tinignan ko ang buwan--medyo bilog siya.

At malamig ang hangin.

Sige, lakad pa ako pababa sa kanto. Tapos banda doon sa store ni Aling Lydia, nakita ko ang dalawang anino malapit sa kanto--sa ilalim ng puno. Nagbubulungan. Sa matinding katahimikan, madidinig mo mga boses nila. Pero di mo maintindihan.

Lumapit pa ako.

Nang malapit-lapit nako, nakilala ko mga boses nila. Si Sabas at si Dagul! Ba't kaya gising pa sila? Kababanggit lang ni Dagul tungkol sa "aswang" daw.

Lumapit pa ako, at doon ko nadinig ng malinaw ang kabuuan ng sinasabi nila:

"Ba't kaya bukas pa ang ilaw ng kwarto ni Jad?" tanong ni Sabas.

"Naku!" sabi ni Dagul. "Baka aswang!"

Mga pahamak talaga!