Sunday, June 27, 2021

Ba't Ayaw ni Sabas ng Bakuna


Hindi naman bakuna ang inaayawan ni Sabas. Ang ayaw nya yung karayom ng injection at yung side effects ng bakuna--yung lalagnatin sya at manghihina at sasakit ang ulo o katawan. Yung mga ganon. At lalo na yung mga delikadong side effects na nadidinig nya--yung iba daw tinubuan ng malalaking allergies o kaya naging tatlo ang mata o naging zombie daw.

Photo above by Mika Baumeister on Unsplash.

Pero in-explain ni Prof. Ang side effects na gaya ng headache, fever o mga flu-like side effects ay natural lang at senyales na epektib ang bakuna sayo. Gumagana. At yung tungkol naman sa deadly side effects, one in a thousand lang daw yun. Ang majority ay safe naman nang mabakunahan.

E pano kung si Sabas yung "one" na yon sa "one in a thousand"? Yun din ang worry ni Sabas. Pero at least "one" lang yun, sabi ni Mr. Bean, di gaya ng Covid, andaming nahahawa at andami nang namatay. Millions na ata, kundi sya nagkakamali. At pag napuruhan ka nyan, mahina ang 1 million pesos na hospital bill mo. Yan ang balita ni Mr. Bean.

"E, pano nga kung ako pala yung 'one' na yon? At lalo akong magka-loko-loko imbis na wala sana akong prublema?" tanong pa rin ni Sabas na parang iritable na.

"E di mag-blowout ka! Biro mo sa kina-dami-dami ng tao ikaw ang napili!" biro ni Mr. Bean.

"Ilong mo kaya i-blow up ko?" sagot ni Sabas. "At pano kung mabali yung karayum?"

"Ayaw mo yun, me karayum ka sa loob ng katawan? Ikaw lang ang ganon!"

"Isipin mo nga...karayom versus balat mo. Obvious ba na mas matigas karayum? So papano mababali yun pag tinusok sa balat mo," urirat ni Prof.

"Kasi Prof makapal ang balat nyan, pati mukha!" ika ni Badong. Halakhakan. 

"Di nga Prof," pa-iba ni Pareng Babes. "Kasi madaming napapabalitang delikadong side effects gaya ng clotting at bleeding at inflammation daw. Pano naman yun, Prof?"

Nag explain uli si Prof: "Tumpaks naman yon. I mean, lahat ng bagay delikado. Lahat ng decisions natin me ka-akibat na risks. Pag di ka magpa-bakuna, delikado. Pag nagpa-bakuna ka, delikado rin. Pag iba ang i-take mo, delikado rin baka walang bisa. So, pipiliin mo ngayon, ano ang mas konti ang peligro? Ano ang mas safe pero realistic din? Ano ba ang payo ng gubyerno? Isipin mo mabuti at pag-aralan. Tapos mag decide ka."

"Ang decision ko Prof, ayoko ng bakuna," giit ni Sabas. 

"Ganon? E ano panlaban mo sa Covid? Ano proteksyon mo?" usisa ni Prof.

"Aba! Mask, shield, at social distancing!" Pagyayabang ni Sabas. "Protocol!"

"Mask?" tanong ni Prof. "Asan mask mo? Andyan sa baba mo, wala sa bibig at ilong!"

Kantyawan ke Sabas at tawanan.

"Shield?" tanong uli ni Prof. "Ang shield mo naka-angat sa tuktok ng ulo mo."

Halakhakan habang tinutukso si Sabas.

"At social distancing? E eto tayo kumpulan tayo dito sa traysikelan!" sabi ni Prof. Na-tahimik lahat, guilty kasi lahat.

"O, asan ang proteksyon mo, Sabas?"

Mangiyak-iyak na si Sabas sa pagsisisi.

"O wag ka umiyak. Nagpapaliwanag lang ako para ma-gets mo mga sinasabi mo. OK lang kung ayaw mo magpa-bakuna, kung marunong ka talagang mag-ingat. E kaso hindi e. Suot mo nga mask at shield mo, pero mali naman. Para kang bumili ng motor tapos imbis na sakyan mo, karga-karga mo. 

Halakhakan uli, habang tinutukso si Sabas. 

"At kahit me bakuna ka na, kelangan pa rin ang mahigpit na protocols," dagdag pa ni Prof. "Maaaring safe ka sa Covid pero di mo alam kung carrier ka pa rin. Pwede kang makapang-hawa."

Dito na ako sumabat. Ako si Jaden:

"Suma-total, ang importante pa rin ay ang pag-iingat sa health natin--me bakuna ka man o wala. Maliban sa protocols, kelangan healthy lifestyle na tayo para lumakas ang immune system natin. Alang kwenta ang bakuna o health protocols kung ina-abuso mo naman katawan mo."

"Tumpaks si Jaden!" segunda ni Prof. "Kung puro puyat ka, o lagi ka naglalasing o naninigarilyo ka, wala rin. Tandaan natin, ang isa sa mga atake ng Covid ay sirain ang immune system natin. E kung tutulungan mo syang sirain ito, e di useless lahat!"

"At yung pagkain din na hindi healthy, di ba Prof?" singit ni Sikyong Pedro. "Pag puro unhealthy ang kinakain natin, lalo na walang gulay, yari din tayo."

Inayunan sya ni Prof. "Bakunado ka nga, nagka-sakit ka naman sa puso o nagka-diabetes. Edi wala rin."

Biglang nag-announce si Aling Lori sa karenderia na katabi ng traysikelan. "Ready na ang lunch! Kain na! Me porkchop, adobo, paksiw na lechon, menudo, igado, pork teriyaki, sinigang na baboy at iba pa!"

Nagka-tinginan ng matagal ang mga Ocho Boys, kasama ako at si Prof. Pagkatapos, inumpisahan ni Sabas ang order. "Me gulay ba?"

"Chop suey lang, yung tira kahapon," sagot ni Aling Lori.

"Chop suey sakin," mabilis na sagot ni Sabas.

"Ako rin!" sunod-sunod na sagot ng mga Ocho Boys.


Review lang--baka nalimutan nyo na ang Ocho Boys (Kalog Boys)--eto sila: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy, Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy.

Monday, June 21, 2021

Kobid at Sili


Talagang sure daw sya! Nakakagaling daw ng kobid ang sili, ika ni Badong isang umagang nag-umpukan ang mga tricycle drivers sa karenderia ni Ate Lori. Kasi daw nga, dahil ma-anghang ang sili, mamatay daw ang virus sa init nito pag kumakain ka ng sili. "Kaya kelangan kainin mo, di mo lang gagawing sawsawan," sabi nya.

Image by Free-Photos from Pixabay.

"Ilang sili naman kelangan"? tanong ni Lowie, siryoso sya dahil ayaw nyang magpa-bakuna.

"Sampu kada oras!" payo ni Badong. Parang gusto nalang magpa-bakuna ni Lowie. 

"E san mo naman napulot yang idea na yan"? tanong ni Mr. Bean na ma-usisa.

"Di na importante. Basta isipin mo nalang. Di ba sabi nila mag-suob ka at pirming uminom ng mainit na tubig para ma-ibsan ang kobid? Ibig sabihin, ang suma-tutal, dapat mainit! Kaya naisip ko, sili dapat!" paliwanag ni Badong, na animo'y henyong virologist. 

"Nagpa-bakuna ka na ba?" usisa ni Mr, Bean.

"Ha? Ah eh...mamya," alangang sagot ni Badong.

"Ah, so, habang di ka pa bakunado, lumalaklak ka muna ng sampung sili kada oras?" pag-kulit at pa-insulto ni Mr. Bean.

"Hindi pa! Wala pa naman akong kobid. Gagawin mo lang yan pag nagka-kobid ka na!" palusot ni Badong.

"Eh, eto na si Prof. Tanong natin kung gaano ka totoo yang idea ni Badong na yan," sabi ni Sabas. Excited na silang makinig ke Prof. Si Prof ang me alam ng lahat-lahat dahil mataas ang pinag-aralan niya at malalim din magisip. At pala-research din ito.

Naka-ngiti si Prof. "Malayo palang ako dinig ko na diskusyon nyo dito. Me kape ba ryan, Aling Lori?" Tumango si Lori at nagtimpla agad sya para ke Prof. "Lista muna ha," pahabol ni Prof.

"Alam nyo, ka-daming health benefits ng sili! Hindi lang masarap na sawsawan yan partner ng suka o toyo, mayaman din yan sa "Capsaicin" na syang nagpapa-anghang sa sili--at sanhi din ng health benefits nito. 

"Aba! E nakaka-taas ng metabolismo ang Capsaicin  para masunog ang mga taba-taba sa katawan, gaya ng ke Derek!" Tawanan ang barkada at kantyawan. Mas mataba daw si Bisoy kesa ke Derek. Si Gerald d Dyaryo-Bote naman pinagyabang na payat sya kahit walang sili-sili. "Wala ka kasing makain!" sigaw ni Boy. Tawanan pa more.

"Ang Capsaicin ng sili ay nagko-control din ng pag-labas ng insulin para di gaanong tumaas ng biglaan. Makaka-sama kasi ito sa mga diabetic," dagdag ni Prof. "Kaya mainam mag-sili pag kumakain. Pampa-gana pa."

"Pero," bwelta naman ni Prof, "wag din sobra-sobra na gaya ng sabi ni Badong. Wag naman 10 sili kada oras!" Halak-hakan nanaman ang dabarkads, panay kantyaw ke Badong. Ngiti-ngiti lang si Badong, namumula sa hiya dahil na buking.

"Eh, Prof. Gamot ba sa kobid ang sili?" tanong ni Mr. Bean.

"Lalong hindi!" ika ni Prof, tatawa-tawa. "Pag ginamit mong gamot sa kobid yan, at lumaklak ka ng madami, almoranas lang abot mo. Me kobid ka pa rin."

"Ayan! Sabi na bululyaso nanaman si Badong eh!" ika ni Mr. Bean, proud na napatunayan nyang tama sya at mali si Badong. "Magpa-bakuna ka nalang!" Dagdag nya.

"Eh prof, ano ba ang pwede pang panlaban sa kobid, bukod sa bakuna?"

"Sundin dapat natin mga protocols. Siryosohin natin," pag-diin ni Prof. "Wear face masks and shields properly, di tulad ni Pareng Babes. O ayan, naka-mask nga sya labas naman ang ilong." Halakhakan. Inayos tuloy ni Pareng Babes ang mask nya.

"Eto namang si Dagul, nasa baba ang mask. Di kelangan protektahan ang baba. Hindi dyan pumapasok ang virus. Sa ilong po at bibig," kutya ni Prof. Halakhakan uli. Inayos din tuloy ni Dagul ang mask nya. "Kahit nabakunahan ka na, strict protocols pa rin!" dagdag ni Prof. "O, social distancing ha!"

"Akala ko pa naman, sili na ang sagot sa kobid," malungkot na sabi ni Badong. 

"Well, wala pa namang pag-aaral tungkol dyan. Malay natin, baka me lumabas na study someday at lumabas na tama ka pala, Badong!" sabi ni Prof. "Pero habang wala pang studies and tests and FDA and DOH approval, wag munang umasa."

"Naku. Kelang kaya a-aprubahan ng DOH at FDA?" tanong ni Ate Lori.

"Ang alin?" tanong ni Prof.

"Ang pagbabayad mo sa utang? Ang haba na ng listahan mo, Prof!"

Halakhakan pa more!