Tuesday, March 22, 2016

Himala sa Otcho Nitong Mahal na Araw

en.wikipedia.org
"Mahal na Araw"...ba't ba Mahal na Araw ang tawag e sa English naman Holy Week? E di dapat Loved Day (o Costly Sun?).

Yan ang muni-muni ni Pareng Babes minsan pag Semana Santa na. Dati, nagbabasa ng Pasyon ang mga Kalog Boys ng Otcho. Pero ngayon, muni-muni nalang. Mula nang nawala na ang mga orig at mga damatan ng Otcho--sila Aling Pepay, Aling Merced at Aling Mitring--nawala na rin ang tradition ng Pabasa.

Naalala ko nung bata pako (teenagers kami sa high school), me tatlong lugar sa Otcho kung saan nadidinig yang Pabasa--dun yata sa me gawing Records Street, tapos sa me Ofelia yata, at dun sa me bandang Branches. Naka-mic yung mga nagbabasa kaya dinig ko sila mula umaga ng Miyerkules hanggang hapon ng Biyernes. Habang naka-salampak lang ako sa sopa ni lola at nag-aantay mag-Sabado (dahil Sabado pwede na kaming mag-ingay at maglaro) nadidinig ko ang umaalon-along mga boses nila.

Nakaka-aliw naman. Ang totoo nga, na-mi-miss ko sila today. Hinahanap-hanap ng tenga ko ang mga tinig nila pag ganitong Mahal na Araw.

Ngayon, andun nalang at mag-uumpok ang mga Kalog Boys sa tindahan ni Aling Lydia o kaya sa kainan ni Ate Lorie. Minsan andun sila sa barbershop sa Claims o kaya sa me Road 20. Hihingi sila ng Indian Mango kela Mang Rubio dyan sa Assistant tapos ngangatain nila habang nagkwe-kwentuhan.

Ganyan nalang ngayon ang Holy Week nila.

So, ngayong Holy Wednesday, hinahanda na ng mga yan yung mga Indian mango nila, sa-malamig na sago't gulaman, kornik at fishballs. Bawal ang karne kaya wala muna silang barbecue.

Malamang andun silang lahat ngayon sa bahay ni Prof at inaayos ang lahat-lahat (at nag-aasaran din, lalo na sila Dagul, Totoy Golem at Mr. Bean). Tapos, mamya, dadalhin na nila lahat sa kainan ni Ate Lorie or tindahan ni Aling Lydia.

Ngayon, eto ang himala...

Walang nag-mumura!

Kasi, kanina nadaan ako sandali sa bahay ni Prof pagka-palengke ko sa Super Palengke dyan sa Benefits. Nakinig ako sa kwentuhan nila habang nagbabalat sila ng isang kaing yata yun ng Indian mango. Aba, nag-uusap-usap sila pero walang nag-mumura!

Parang nakaka-miss tuloy yung mga murahan nila. Hehe...joke.

Ganito usapan nila. Watch this...

"E kung di ka pala naman...ahh...ah...kaka-iba...tinamaan ka ng hangin, hindi ganyan magtalop nyan!" sigaw ni Dagul ke Mr. Bean.

"Oy, oy, oy! Mga...ah...ah....hilong talelong kayo! Mahal na Araw ngayon, wag kayo maingay!" sabat naman ni Prof.

"Palibhasa para kayong mga...ah...ah....mga kandidato....mga plastic! Akina na nga yang fishballs at ma prito na!" sabi naman ni Derek.

"Oy! Oy! bukas pa pri-prito yan! Gusto mo bang malanta yan bukas, ha, kulas ka!" sabi naman ni Mr. Bean.

Well, at least, kahit nagtutuksuhan at nag-aasaran pa rin, iniiwasan nilang mag-mura talaga. Kaya naman pala nila e. Sana panghabang-buhay na!

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!