Monday, September 5, 2016

Ang Lihim ng Donya Sotera Street



Nasa karinderia ni Aling Lory si Chayong, yung mukhang mayaman na nakatira dun sa townhouse along Assistant Street. Kausap niya si Oreo, yung driver naman sa kabilang townhouse. Naalala tuloy ni Pareng Babes si De Lima at yung driver niya. Puna ni Pareng Babes, me pinaguusapan silang mukang interesting, I mean si Chayong at si Oreo (Goryo ang full name niya).

Nung naka-order na si Pareng Babes ng lunch, umupo siya sa table na malapit sa dalawa. Kunwari absorbed siya sa kinakain niya pero nakikinig siya sa kwentuhan nila. Tinatalasan ni Pareng Babes ang tenga niya sa mga tinig nila. Minsan kasi me maingay na tricycle.

Akala naman ni Pareng Babes tungkol ke Duterte or extrajudicial killings ang pinaguusapan nila or yung bomb explosion ng Abu Sayyaf sa Davao.


Yun pala, naka-baong yaman daw sa isang luma at abandonadong bahay sa me Tandang Sora. Muntik maluwa tuloy ni Pareng Babes yung sinubo niyang kare-kareng pata. Ano ba yan---naka-baong yaman sa lumang bahay. Meron pa bang ganon sa panahon ngayon? ika ni Pareng Babes sa sarili. Ito talagang sila Chayong at Oreo, walang mapag-usapang matino.

"I suppose binabantayan ng white lady or dwende yung yaman na yon," ika uli niya sa sarili, tatawa-tawa.

"E yun daw, pag alas dose ng gabi at napag-labanan mo lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon, me bubukas na secret door at mapapasa-iyo yung yaman sa loob," sabi ni Oreo. Paniwalang-paniwala namn itong uto-utong Chayong. Si Pareng Babes naman, sige lang ang kain ng kare-kareng pata with bagoong, barbecue at ginataang gulay.

Mas masarap pala kumain pag ganitong me nadidinig kang tele-nobela sa tabi mo, naisip ni Pareng Babes. Binanggit ni Oreo ang address ng bahay, and for some reason, tumanim ito sa utak ni Pareng Babes---Villa Noreng, papasok sa Donya Sotera.

Na-kwento niya ito ke Prof later.

Ang bad news, kinagat ito ni Prof. "Pagkakataon na nating yumaman!" ika ni Prof. "Mamyang hating gabi pumaroon tayong tatlo ni Mr. Bean!"

Patay!

Nganga si Pareng Babes. Kahit mukang kalokohan yung kwento, nakakatakot din yun ah! Naalala niya ang mga salita ni Oreo: "...lahat ng katatakutang mangyayari sayo dun sa old house na yon!" Gusto akong isama ni Pareng Babes pero buti nalang nasa city hall pa ako. Later, kinuwento niya sa akin ang lahat.

Kaya 11 ng gabi, lumakad na ang tatlo. Sakay sa otong hiniram nila ke Derek, binaybay nila ang General, ang kahabaan ng Tandang Sora at lumiko sa Donya Sotera, pag lagpas ng Banlat. Dineretso nila ito hanggang inner road at natunton nila ang lumang bahay, "Villa Noreng"---parang panahon pa ito ng kastila. Pinark nila ang oto sa me garahe. Halatang garahe ito ng karwahe o karitela de kabayo noon.

Napaka-dilim ng paligid at pawang mga iyak at tili lang ng mga di nakikitang insekto o hayup sa mga naglalakihang puno sa paligid ang nadidinig nila.

"Ba't ba na-kwento-kwento ko pa ke Prof yung nakatagong yaman dito?" ika ni Pareng Babes sa sarili.

Pumasok sila sa lumang bahay---abandonado na ito kaya malaya silang nakapasok. Akyat sila sa second floor---at doon naghintay ng 12:00. Tinignan ni Mr. Bean ang cellphone niya---15 minutes nalang 12 na.

"What?" sabi ni Pareng Babes, lalong kinakabahan.

"Ssshhh!" awat ni Prof.

Mamyang konti, nadinig nila ang marahan  at malagim na "Dong! Dong! Dong!"

Me lumang orasan pala malapit sa kanila. Aba, eto lang orasan na to e kayamanan na pag binenta nila. Siguro worth P10,000 ito!

Mamaya-maya, ayun na! Nag-labasan na nga ang lahat ng katatakutan! Lahat na yata ng klase ng maligno at multo nagpakita sa kanila. Nagyakapan silang tatlo. Pinaglabanan nila. Siguro mga isang oras din.

Pagka tapos, nung mag-give up na ang mga multo at maligno, nakiramdam sila. Hinitay nila ang pagbukas ng isang secret door.

Ayun nga! Me bumukas na pinto sa dingding! Ang secret door!

Bumuntung-hininga ang tatlo. Di sila maka-paniwala! Yayaman na sila!

Pag bukas ng pinto, me lumabas na multo! Ito yata ang pinaka-boss ng mga multo! Nakaka-takot talaga ang anyo niya. Tinignan sila ng mabuti, sumimangot at nagsalita: "Di kayo natakot! Ang yabang niyo! Tse!"

Tapos, naglaho na ito.

Naghintay sila Prof, Pareng Babes at Mr. Bean. Matagal.........nainip na sila. "Yun lang?" tanong ni Mr. Bean.

Umuwi silang bigo. Luhaan pa nga.

Pero ang yayabang nila. Kesyo napatunayan nilang ang tapang-tapang daw nila at kahit sino ay kaya nilang hamunin sa patapangan! Kahit si Duterte o General Bato! Kahit frustrated, kwentuhan sila ng pagyayabang habang umuuwi. "Wala ang lolo mo sa lolo ko!..." tipong mga ganyan.

Kinabukasan, hinarap ni Pareng Babes si Oreo. Kwinelyuhan. "Walang hiya ka! Niloko mo ako!"

Laking gulat ni Oreo. "A-anong kasalanan ko sayo?"

"Sabi mo me binaong yaman sa lumang bahay sa me Tandang Sora, sa Donya Sotera!" sigaw ni Pareng Babes. "E wala namang yaman doon! Mga halimaw meron pero walang yaman! Baka hindi mo ako nakikilala! Ako ang pinaka-matapang sa Project 8! Siga ako ng Ocho!"

Nagisip si Oreo at saka nagliwanag ang mukha nito. Tapos, natawa!

"Anung tinatawa-tawa no dyan? Napahiya ako sa mga kaibigan ko!" ika ni Pareng Babes.

"Hindi mo ako masyadong nadinig kahapon!" Sabi ni Oreo. "Ang sabi ko, me naka-baong YABANG doon. Pag bukas ng secret door at nandun ka, mapapa-sayo ang YABANG!"

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!