Saturday, September 18, 2021

Ba't Covid-Free and Barangay Sapa


Ngayon ko lang mababanggit ang barangay Sapa, kung saan nakatira si Berto, new character natin sa Kwentong Otcho. Ocho Boys na rin, taga-ibayo nga lang. Naging busy kasi ako nitong mga past years--busy sa work--kaya di ko nasasama sa story si Berto at ang kanyang Barangay Sapa. Doon ito sa dulo ng Project 8, pero wag mo na hanapin sa Google Map kasi di mo makikita. Newly discovered barangay ito although gaya ng Bahay Toro, matagal nang existing ang barangay ni Berto, panahon pa ng mga kastila andyan na. Baryo May Sapa pa ang tawag noon.


So ganon ang takbo ng storya. Ngayon, ang bali-balita, tila Covid-free daw ang Barangay Sapa! As in walang me Covid doon at di daw tinatablan ang mga taga roon ng virus. Eto nga rin ang pansin ng mga Ocho Boys natin. Wala silang nabalitaang na quarantine o na ospital doon dahil sa Covid. Nakaka-pagtaka. Isang mysteryo. 

Kaya minsan, pumasyal doon sina Dagul at Derek para alamin ke Tata Igme, isang albularyo na nakatira sa ilalim ng tulay sa Barangay Sapa o Sapa in short. Mahirap puntahan ang ilalim ng tulay nato kasi medyo masukal pa ang palibot ng ilog. Me mga puno-puno pa ng Aratilis at Balete. After a few minutes, kumakatok na sila sa dampa ni Igme, na ang bubong ay ang mismong ilalim ng tulay.

Click image above para sa kenkoy-horror e-book about Project 8. 

Nang pinag-buksan sila ng pinto ni Igme, ika ng albolaryo agad: "Oo, totoong walang Covid dito samin." Nagka-tinginan sina Dagul at Derek. Pano nalaman ng matanda? "Ba't nyo po alam ang pakay namin?" tanong nila. Na-ngiti si Igme. "E lahat ng taong pumaparito, yan ang gustong malaman. Pati mga reporter sa TV at radyo. Hehehe," ika ni Igme na me nakakalokong hagikgik sa dulo. 

"E pano po kayo naging Covid pree?" tanong ni Dagul. Lumingon-lingon muna si Igme, waring nag-iingat na baka me ibang taong nakikinig, at tapos ay bumulong: "Kasi, last year pa, wala nang lumalabas ng bahay samin. As in WALA!" Dagdag pa ni Igme: "Magtu-two years nakong naka-kulong dito sa dampa ko. Namimingwit nalang ako ng dalag dyan sa ilog para sa pagkain ko, at kumukuha ng itlog sa pugad ng tikling dyan sa kawayanan," pag-siwalat pa nya. 

Namangha sina Dagul at Derek. Totoo nga palang epektib ang social distancing para mawala ang Covid. Eto ang patunay--Barangay Sapa. Walang me Covid even after almost 2 years na. "Yun nga lang, medyo ma-amoy na dito sa ilog kasi di ko na nalilinis ang tabing ilog banda doon. Dito lang malapit sakin ang nalilinis ko," paliwanag ni Tatang Igme. "Kaya pasensya na kayo, medyo mabantot."

"Di po, tatang!" sabi ni Derek. "Wag kayo mag-alala. Sanay kami dyan!" Nag-second-the-motion din si Dagul. "Saka, di naman namin naaamoy. Di ba Derek?" Nag-Oo naman ang Derek. Nangiti si Igme. Sanay din pala sa amoy ng basura mga ito, sabi nya sa sarili. "O, tara na at mananghali!" yaya ni Igme sa dalawang bisita. "Kaka-ihaw ko lang nyan! Ayan, humahalimuyak pa ang bango! Nakaka-gutom!"

"Nag-ihaw pala kayo?" tanong ni Derek. Nagtaka si Igme. "Bakit? Di nyo naamoy?" tanong nya. Umiling ang dalawa. Pinatikim sila ni Igme ng grilled Dalag. "Mapakla po pala ang dalag na galing sa ilog ng Ocho! Alang lasa!" ika ni Dagul. Tinikman ni Igme. "What?!!! E ang sarap-sarap nga e! Manamis-namis pa! Ano ba kayo?"

At mula noon, hindi na Covid-free ang Barangay Sapa. 😄😃😂


MGA TAUHAN: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof Pekwa (Prof Pek), Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy and Gerry (mag-utol), Sir Tony (teacher), Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy.

Wednesday, September 1, 2021

Me Treasure Daw Sa Ocho


Sa kasagsagan ng pandemia at mga variants, busy si Prof sa parit-parito, nililibot ang mga karatig kalsada sa Project 8. Napapansin na ito ni Badong at nai-kwento ke Sabas. Napansin din nyang tila di mapakali si Prof at kung saan-saang street nya nakikita pag namamasada sya ng tricycle. Naisip tuloy ni Sabas, me misteryo yata.


"Di kaya epekto ng bakuna yan?" tanong ni Badong. Aakalain mong nagbibiro sya. Pero hindi. Siryoso sya. Malay ba nya kung bagong side effect ng bakuna ang pagka-ligalig o lakwatsero? Dumaplis sa isip nya--kung sya naman kaya magka-side effect, saan naman sya maglalakwartsa? Ayaw nya sa Ocho lang. Siguro sa SM o Trinoma? Me aircon pa.

"E pare-pareho naman tayo ng bakuna, diba?" ika naman ng Sabas. "Matino naman ako," dagdag pa nya. Siryoso din sya sa pag-sabi nito. Walang bahid biro o malisya. Di nalang sana nya dinagdag yung "matino naman ako." OK na sana e. Andun na e. Pumalpak pa. 

Tinignan ni Badong ng maigi si Sabas. "We never know," sabi nya. Siryoso din.

Sakto namang padaan si Gerald d Dyaryo-Bote. "Mukang me bagong ganap ha. Ano ba balita?" tanong nya habang pinaparada ang kariton nya. Mga tricycle lang nila Sabas at Badong ang naka pila noon kaya maluwag na "pinark" ni Gerald saglit ang "oto" nya. Nilabas nya ang bottled water at uminom. "Ang init, tapos mamya uulan!" sambit nya.

"Nung isang linggo pa yang bottled water na yan ha!" puna ni Badong. "Pinapalitan mo ba ng laman yan? Palit-palit din pag me time!" Tawanan sila Sabas at Badong. "Saka mukang galing din sa digmaan yang bote mo! Palitan na yan!" Tawanan pa lalo. 

"Hindi na!" sagot ni Gerald. "Dyan kami lumalakas no! Me mga bitamina yan! Kaya kayo puro mahihinang nilalang kasi wala ng sustansya mga kinakain nyo!" Sabay tawang ganti ni Gerald. Actually, halakhak. Feeling nya naisahan nya sila. Pagkatapos ay kumambyo. "Teka, ano ba yang binubulong-bulung nyo dyan? Parang me bagong chismis. Ano ba yon?"

"Chismoso ka talaga," sabi ni Sabas. "Eto kasing si Prof kung saan-saan nagpupunta. Kung saan-saang kalye namin nakikita. Minsan sa me Mindanao-Road 20. Minsan sa Baryo San Jose. Minsan sa Paradise. Minsan sa me Tandang Sora. Parang me hinahanap!"

"At parang me malalim na iniisip!" segunda ni Badong.

"Baka in-love. Wahahahaa!" sabi ni Gerald. "Naghahanap ng gelpren. Yung utol ni Sikyong Pedro abelabol!"

"Alin?" biglang sabat ni Sikyong Pedro sa loob ng guardhouse. "Bat nadinig ko pangalan ko dyan?"

"Wala!" sabi nilang tatlo.

"Ganon?" ika ni Pedro. "Sayang. Me alam pa naman ako sa bagong raket ni Prof. Pero di bale nalang." Sabay pa-pito-pito ito na nakakaloko. Wari mo bang walang paki-alam.

"Anong raket?" sabay-sabay nilang tanong matapos sabay-sabay na lumapit ke Pedro.

"O! O! Distancing ha!" babala ni Pedro. "Mga pasaway! Dahil sanyo kaya kumakalat ang baliant!"

"O sige na! Magiingat na! Ano ba ang bagong raket ni Prof? Chicks nanaman?" ngawa ng tatlo. 

Lumingon-lingon muna si Sikyong Pedro. Nung nakitang walang iba tao, bumulong sya: "Meron daw naka-baong kayamanan sa Ocho, ayon sa mga lumang record sa library ng city hall!"

Nanlaki mga mata ng tatlo. Alam nilang di pwedeng magkamali si Prof. Matalino ito at masusing inaalam ang lahat ng bagay. Kaya malamang sa malamang, totoo ito. Me naka-baong treasure sa Ocho! Kelangan nilang makausap si Prof para bumakas man lang. 

"Pero wag muna nyo kausapin si Prof ngayon. Mainit ang ulo. Kanina dumaan dito at naka-busangot at maligalig. Binanggit sakin yung treasure daw na binaon sa isang ilog dito sa Ocho ng mga Katipunero nung panahon ng kastila," paliwanag ni Pedro.

"ILOG!!!" sabay-sabay na sigaw nila Badong at Sabas.

[Itutuloy]




Review lang po--baka nalimutan nyo na ang Ocho Boys (Kalog Boys)--eto sila: Ako (si Jaden Mero, and me-akda ng Kwentong Otcho), si Prof, Pareng Babes, Mr. Bean, Badong, Sabas, Roy, Totoy Golem, Dagul, Derek, Gerald d Dyaryo-Bote, Sikyong Pedro, si Lewy (o Lowie), si Boy at si Bisoy. O nga pala, si Boy at Bisoy ay mga bagong members ng Otcho Boys---although si Boy ay matagal na sa Otcho. Yun nga lang, matagal ding nawala dahil umuwi sa Butuan. Pero bumalik na siya. Si Bisoy (Bisayang Baboy ang tukso sa kanya kasi mataba siya) ay nangungupahan naman sa likod-bahay nila Boy.