Sa kasagsagan ng pandemia at mga variants, busy si Prof sa parit-parito, nililibot ang mga karatig kalsada sa Project 8. Napapansin na ito ni Badong at nai-kwento ke Sabas. Napansin din nyang tila di mapakali si Prof at kung saan-saang street nya nakikita pag namamasada sya ng tricycle. Naisip tuloy ni Sabas, me misteryo yata.
"Di kaya epekto ng bakuna yan?" tanong ni Badong. Aakalain mong nagbibiro sya. Pero hindi. Siryoso sya. Malay ba nya kung bagong side effect ng bakuna ang pagka-ligalig o lakwatsero? Dumaplis sa isip nya--kung sya naman kaya magka-side effect, saan naman sya maglalakwartsa? Ayaw nya sa Ocho lang. Siguro sa SM o Trinoma? Me aircon pa.
"E pare-pareho naman tayo ng bakuna, diba?" ika naman ng Sabas. "Matino naman ako," dagdag pa nya. Siryoso din sya sa pag-sabi nito. Walang bahid biro o malisya. Di nalang sana nya dinagdag yung "matino naman ako." OK na sana e. Andun na e. Pumalpak pa.
Tinignan ni Badong ng maigi si Sabas. "We never know," sabi nya. Siryoso din.
Sakto namang padaan si Gerald d Dyaryo-Bote. "Mukang me bagong ganap ha. Ano ba balita?" tanong nya habang pinaparada ang kariton nya. Mga tricycle lang nila Sabas at Badong ang naka pila noon kaya maluwag na "pinark" ni Gerald saglit ang "oto" nya. Nilabas nya ang bottled water at uminom. "Ang init, tapos mamya uulan!" sambit nya.
"Nung isang linggo pa yang bottled water na yan ha!" puna ni Badong. "Pinapalitan mo ba ng laman yan? Palit-palit din pag me time!" Tawanan sila Sabas at Badong. "Saka mukang galing din sa digmaan yang bote mo! Palitan na yan!" Tawanan pa lalo.
"Hindi na!" sagot ni Gerald. "Dyan kami lumalakas no! Me mga bitamina yan! Kaya kayo puro mahihinang nilalang kasi wala ng sustansya mga kinakain nyo!" Sabay tawang ganti ni Gerald. Actually, halakhak. Feeling nya naisahan nya sila. Pagkatapos ay kumambyo. "Teka, ano ba yang binubulong-bulung nyo dyan? Parang me bagong chismis. Ano ba yon?"
"Chismoso ka talaga," sabi ni Sabas. "Eto kasing si Prof kung saan-saan nagpupunta. Kung saan-saang kalye namin nakikita. Minsan sa me Mindanao-Road 20. Minsan sa Baryo San Jose. Minsan sa Paradise. Minsan sa me Tandang Sora. Parang me hinahanap!"
"At parang me malalim na iniisip!" segunda ni Badong.
"Baka in-love. Wahahahaa!" sabi ni Gerald. "Naghahanap ng gelpren. Yung utol ni Sikyong Pedro abelabol!"
"Alin?" biglang sabat ni Sikyong Pedro sa loob ng guardhouse. "Bat nadinig ko pangalan ko dyan?"
"Wala!" sabi nilang tatlo.
"Ganon?" ika ni Pedro. "Sayang. Me alam pa naman ako sa bagong raket ni Prof. Pero di bale nalang." Sabay pa-pito-pito ito na nakakaloko. Wari mo bang walang paki-alam.
"Anong raket?" sabay-sabay nilang tanong matapos sabay-sabay na lumapit ke Pedro.
"O! O! Distancing ha!" babala ni Pedro. "Mga pasaway! Dahil sanyo kaya kumakalat ang baliant!"
"O sige na! Magiingat na! Ano ba ang bagong raket ni Prof? Chicks nanaman?" ngawa ng tatlo.
Lumingon-lingon muna si Sikyong Pedro. Nung nakitang walang iba tao, bumulong sya: "Meron daw naka-baong kayamanan sa Ocho, ayon sa mga lumang record sa library ng city hall!"
Nanlaki mga mata ng tatlo. Alam nilang di pwedeng magkamali si Prof. Matalino ito at masusing inaalam ang lahat ng bagay. Kaya malamang sa malamang, totoo ito. Me naka-baong treasure sa Ocho! Kelangan nilang makausap si Prof para bumakas man lang.
"Pero wag muna nyo kausapin si Prof ngayon. Mainit ang ulo. Kanina dumaan dito at naka-busangot at maligalig. Binanggit sakin yung treasure daw na binaon sa isang ilog dito sa Ocho ng mga Katipunero nung panahon ng kastila," paliwanag ni Pedro.
"ILOG!!!" sabay-sabay na sigaw nila Badong at Sabas.
[Itutuloy]
No comments:
Post a Comment
Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!