Wednesday, November 11, 2020

Ginabi Si Ulysses


OK pa nung hapon kahapon. Kahit nga alas sais ng gabi OK pa rin, although me katindihan na ang ulan. Chine-check ko parati sa news kung ano na lagay ni Ulysses. Huling nadinig ko 140 kph pa din sya at me bugsong 190 kph---at masasagi daw ang NCR. Malakas din yon ah. Safe kaya ang Project 8? Nakaka-kaba din. Pano kung mag direct hit?

Photo by Rachel Claire from Pexels.

Yun ang madalas kong maisip. 

Pero umasa pa rin akong di na sya magpaparamdam dito sa QC, or sa Project 8. Kasi nga late afternoon na wala pa rin sya. Sabi nga ni Mr. Bean at si Badong kanina sa karenderia over coffee, FAKE NEWS lang daw. Tawa sila ng tawa nung na-daan ako matapos mamili ng kandila, posporo, tuyo, itlog at bigas---mga kelangan pag me bagyo---dyan sa Road 20. Napaka OA ko daw. Panik buying. Ewan ko sa kanila. Buti pa si Sikyong Pedro namili rin para handa sya---namili ng gin, Red Horse at konting pulutan. At least nag-ready sya, di ba!

Eto na. Nung alas syete, nag iba na ihip ng hangin. Lalo na nung 9:00 pm. Ginabi si Ulysses, madami atang dinaanan pa. Lagalag. Delikado yung me malakas na bagyong tatama malapit sa inyo pag gabi na. Ayaw maniwala nila Mr. Bean at Badong na peligroso yon. Kaya nung kasagsagan na---mga hating-gabi at ala una ng madaling araw---tumodo na si Ulysses, hanggang alas sais ng umaga. 

GRABE! Ang tagal din noon ha! Parang nagustuhang tumambay ni Ulysses sa QC at Ocho.

Sumilip ako sa bintana ng 1:00 am. Madilim tas mahangin. Nakita ko yung mga nagsisi-likas. Pati nga yung White Lady dun sa puno ng Balete sa kanto lumikas na rin dahil basang-basa na sya. Bitbit nya mga paraphernalia sa pananakot--mga wigs, ketchup, white dresses (naputikan na yung iba) at mga makeup. Pumara ng tricycle, pero kumaripas naman ng harurot yung driver. Naglakad nalang si White lady---buti me payong sya.

Halos di ako nakatulog---hindi dahil ke Ulysses o sa White Lady---dahil sa mga text ni Mr. Bean at Badong. Nilipad na daw ng hangin ang bubong at muskitero nila, ano daw dapat nilang gawin. At brownout, tapos wala pa silang makain, gutom na daw sila. Sabi ko, matulog. Yun ang dapat nilang gawin. At yun ang deserve nila. Pero di ko na sinabi yun.

Bandang alas sais ng umaga, nung di na delikado lumabas, pinatuloy ko na sila sa bahay ko. Basang-basa sila at nangangatog sa lamig. Nag-kape kami habang ngi-ngisi-ngisi ako sa kanila. Mamyang konti, dumating na din sina Totoy Golem at Dagul. Wala daw silang makain. Para namang bago yon. Me bagyo o wala, wala talaga silang makain. Inutusan ko silang bumili ng pandesal at itlog sa bakery, dagdag sa almusal namin. Pinagluto ko silang apat. Masaya naman sila.

Tapos, nag-almusal na kami ng 7:30 am habang nakikinig ng radyo at nagkwe-kwentuhan. Masarap ang pritong itlog at tuyo sa sinangag at pandesal. Mainit na kape. Tapos kwentuhan, tawanan habang nakikinig sa radio, sa balita at sa drama. Pati nga si Prof naki-salo samin nung nadaaan sya e. Mga importanteng bagay yan para malampasan ang mga bagyo sa buhay.

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!