Thursday, October 29, 2015

Alas Syete Daw Labasan na ng Mga Zombies sa Sementeryo, sabi sa News

textaural.com
 Undas noon. Lahat ng tao me date sa semeteryo. 

"Four to six thirty lang tayo ng gabi sa sementeryo sa Undas, ha!" text ni Gerry sa utol niyang si Roy. "We must be out of the cemetery before 7 pm!" dagdag pa niya.

Nagtaka siya sa text ni Gerry. Tapos sabi niya sa mga Kalog Boys na kasama niyang naka-tambay sa harap ng internet shop ni Wally sa me traysikelan: "Tignan nyo tong text ng utol ko sakin. Nakaka-bahala. Parang horror movie ang dating."

Binasa niya. Syempre, kumpulan mga trike drivers sa kanya. Tayo kasing mga Pinoy mahilig sa katatakutan, Undas man o hindi. Pagka-basa ni Roy, halos sabay-sabay nagkamot ng ulo ang mga Kalog Boys.

"Pwedeng mag-stay dun hanggang alas dose ng gabi!" sabi ni Pareng Babes. Sure na sure ang tono ng boses nya. "Bitin yan pag 7 pm lang uuwi na kayo!"

"Hanggang kinabukasan nga pwede rin e!" segunda pa ni Prof Pek.

Tumunog ulit ang cell phone ni Roy. Tinignan niya. "Si utol ulit," sabi niya. Binasa ang bagong text message: "Alas syete daw labasan na ng mga zombies--sabi sa news!"

Gulantang sila. "WAT???" halos sabay-sabay nilang sigaw. Napa-English pa sa gulat.

"Totoo ba yan?" tanong ni Mr. Bean. "Pinag-tri-tripan ka lang yata ng utol mo e. Totoo ba yang mga zombies? Sa pelikula lang yan!" Tawanan lahat.

"E di manood tayo sa TV ng news. Now na! Panood naman, Aling Lory!" hirit ni Prof Pek. May TV kasi sa karinderya ni Lory. Pumayag naman siya. Pag bukas ng TV, tamang-tama namang sinasabi ng news anchor na nakatawa pa: "Kaya alas syete tuwing gabi hanggang Undas, maglabasan na ng mga zombies sa sementeryo!"

Napa-nganga silang lahat! Totoo nga! Sabi sa news! Dinig na dinig nila! E bakit natatawa pa si anchor man?

"Totoo pala yang mga zombies na yan?" pagtataka ni Mr. Bean.

"Di lang yun--magsisilabasan daw sa sementeryo simula ngayong gabi! Kelangan masaksihan natin ito!" sabi ni Dagul. Mahilig si Dagul sa di pangkaraniwang mga bagay.

Tamang-tama naman, papasyal mga kapatid at uncles ni Roy sa Himlayang Pilipino ngayong gabi para i-check ang mosoleyo ng pamilya nila, kung ready na ba to for Undas. At dahil nag-plano na ding magpunta sa Himlayang Pilipino ang Kalog Boys para makita ang mga zombies, sinabi ni Roy ke Gerry na magkita nalang sila doon dahil sasama siya sa Kalog Boys.

E di, ang dami na nila--Mga Kalog Boys plus dalawang kapatid na lalaki at dalawang uncles ni Roy. Matapang na si Mr. Bean. Sumama siya.

Masaya ito!

Bandang 6:00 ng gabi, andun na ang Kalog Boys, excited na kinakabahan. Naka-tutok ang paningin nila sa mga nitso at libingan--sakaling magsi-bangon daw ang mga patay doon. Napansin nila, madaming police, barangay tanod at kahit military sa semeteryo. Mukhang totoo nga ang balita. Pero ba't di nila pauwiin na ang mga tao? Dilikado ito. Madaming makakagat!

Mamyang konti, dumating na sila Gerry. Nakita niyang namumutla halos lahat ng Kalog Boys at tila ligalig--sila Prof, Pareng Babes, Dagul, Totoy Golem, Lewi, Derek, Mr. Bean, at kahit na si Roy na utol niya. Ano ang mga ito--gutom na?

"OK lang kayong lahat? Gutom na ba kayo?" tanong niya tuloy.

"Bakit?" tanong ni Prof.

"E, ang puputla ninyong lahat. Para kayong nakakita ng white lady!"

"Pambihira ka, Gerry!" sabi ni Mr. Bean. "Di ka ba natatakot sa zombies?"

Lumiwanag ang mukha ni Gerry. "Ah, yun ba? Hehe, kengkoy nga e--ang korni!"

Nagka-tinginan ang mga Kalog Boys. Nagtaka sila na medyo nayabangan ke Gerry. Ang tapang naman nito, akala mo kung sino, naisip ni Dagul at Totoy Golem, mga dating siga ng Otcho. E kung sila nga kinakabahan e--ito namang Gerry na to ang tapang!

"Di ka takot sa paglabas ng mga zombies?" tanong ni Prof ke Gerry.

"Hehehe, Ok ka lang, Prof?" sabi naman ni Gerry. "Ba't ako matatakot? Bakit, natatakot ba kayo?"

"So, totoo palang me mga lalabas na zombies pag 7 ng gabi?" usisa ni Roy.

"Oo, di ba nasa news!" sagot ni Gerry. Nagkakamot na ng ulo ito. Parang big deal naman ang zombies, ika niya sa sarili.

"Aba, kelangan magsi-handa na kayo!" sigaw ni Dagul. Laking gulat naman ni Gerry. "Ha?" taka niya.

Nagsi-porma ang mga Kalog Boys na tila naghahanda sa bakbakang mangyayari. Tinitignan ni Prof ang relo niya--papalapit ng papalapit ang alas syete. At ilang sandali pa, alas syete na nga!

"Ready kayo!" sigaw ni Prof.

Mamyang konti, nang alas syete na, tumunog ang isang masayang pambatang tugtugin at nasilayan nila ang mahabang parada ng mga batang nakasuot ng iba't ibang costumes ng zombies. Sumisigaw silang "Trick or Treat" sa mga taong nadadaanan nila. Tuwang-tuwa naman ang mga taong nagbibigay ng mga pabuya sa kanila.

"Kuya, yan yung mga zombies na sinasabi sa news," ika ni Gerry. "Kakatakot 'no."

Aral ng Kwentong Kalog na to--huwag mag-conclude hangga't di inaalam ang buong kwento. Ganyan talaga ang buhay.

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!