Naka-upo sila sa bangketa ng internet shop doon, halatang me prublema. Galing daw kasi yung utol ni Pareng Babes sa semeteryo ng Bagbag at nakitang naiba na daw yung nitso ng uncle nila.
"Panong 'naiba' yung nitso?" tanong ni Prof, naka-kunot ang noong takang-taka kung ano ibig sabihin ng 'naiba.' "Ano yun, lumaki ba o lumiit o nag-iba ang kulay?"
"Di ko alam e. Basta sabi niya, naiba daw. Baka naiba ng lugar o me iba nang nakalibing doon," sabi ni Pareng Babes.
Malayo ang tingin ni Lewy, parang malalim ang iniisip.
"Ano sa palagay mo, Lewy?" tanong ni Pareng Babes.
"Palagay ko, sexy talaga yung yayang yon, o!" sabi ni Lewy. Nakatitig pala siya sa isang babaeng papatawid sa kanila. Dumaan ito sa kanila at sinundan nila ng tingin. Me itsura nga, sabi ni Prof sa sarili. "Bago yung yayang yon dito a! Sino kaya yun?" tanong niya.
"Teka, teka," nakahalata si Babes, "pambihira! Ang pinaguusapan natin ay yung nitso ng uncle ko sa Bagbag. Kung anu-ano naman sinisingit kasi ni Lewy e!"
"O di ba me itsura talaga yung babae?"
"Alam ko!" sagot ni Babes ke Lowi. "Si Princess yun, yung bagong yaya dyan. Maganda talaga yon, galing Zamboanga. Mistisa talaga mga chabakana."
Tumungo-tungo sila Prof and Lewy, nakatitig pa rin sa yaya na andun na sa malayo.
Kinan-tsawan tuloy sila ng mga tricycle drivers na naka-puna. "Hoy! Tama na yan! Matutunaw yung babae!"
"E, tara, puntahan natin para malaman natin!" sabi ni Lewy.
"Alin, yung yaya?" tanong ni Prof.
"Yung nitso!" sagot ni Lewy. "Ikaw talaga Prof, kung anu-ano ang nasa-isip mo!"
"Ikaw tong nagsimula e!" protesta ni Prof.
Nagkasundo silang tatlo--pupunta sila ng semeteryo ng Bagbag para alamin ang misteryo ng naibang nitso. Pero kelangan nilang mag-almusal muna. Alas nuwebe pa lang ng umaga. Tutal, nag-iihaw na ng porkchops yung waitress ni Aling Lory sa karinderya niya--at naaamoy nila Babes, Prof at Lewy ang nakakagutom na amoy nito--nag-almusal na sila doon. Taya si Pareng Babes, syempre, dahil siya ang me problemang so-solve nila Prof at Lewy.
Ang sarap ng kain nila ng inihaw na porkchops at sinangag, at me matching maanghang na suka pa bilang sawsawan. Pagka-kain, sakay sila ng jeep pa-Tandang Sora. Tapos, sakay sila ng jeep pa Quirini Avenue.
Ilang minuto pa, nasa semeteryo na sila ng Bagbag. Pinuntahan nila yung nitso ng uncle ni Pareng Babes--paliko-liko ang makipot na daan, tapos dun sa me malaking puno kumanan sila, at doon sa me puno ng Aratilis, sa ilalim, naka-pwesto yung nitso.
Laking gulat nila sa nakita!
"Ba't naka-tayo!" halos sabay-sabay nilang nasabi. Imbis kasi na nakahiga gaya ng ibang nitso, nakatayo itong nitso ng uncle ni Babes! Para bagang yung picture sa kaliwa, pero naka-baon sa lupa yung ibaba ng nitso.
"Hindi ganyan yan nung nalibing si uncle!" sigaw ni Pareng Babes. "Naka-tihaya yan! Sino ang nagtayo nito?"
Iiling-iling sila Lewy at Prof. Malaking misteryo ito.
Sabay namang dating ni Sonny, naka-ngiti pa, labas ang bungi nito. "Ano? OK ba?" tanong niya.
Si Sonny the carpenter ang madalas gumagawa ng mga repair-repair sa Otcho. Kahit nitso pinapatulan niya, kumita lang. Buong yabang niyang inamin na siya ang inupahan ng utol ni Babes para i-repair yung nitso.
"Ba't mo naman itinayo itong nitso?' angal ni Pareng Babes.
Nagpaliwanag na si Sonny: "E, ang reklamo ng utol mo binabaha dito sa semeteryo pag tag-ulan. Madalas, hanggang bewang ang baha kaya lumulubog ang nitso. E di ayan, tinayo ko. Kahit hanggang bewang ang baha, angat naman ang kalahating katawan ng uncle mo! Di na siya malulunod!"
No comments:
Post a Comment
Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!