Tuesday, October 6, 2015

Ba't Munggo sa Lunes?

markmalyon.blogspot.com
Pag dating ko sa kainan nila Aling Lory sa me labasan, laking gulat ko--ginisang munggo ang menu gayong Lunes palang! Di ba dapat Biyernes pa ang munggo? Tinignan ko ang mga kumakain--mukang sold out naman sila sa ganon.

Walang reklamo.

Pero me dumating na iba pang manga-ngain, at pagkatapos nilang silayan ang menu sa mga kaldero, nagtanong sila: "Munggo? Di ba Lunes palang?" Parang asar ang mga boses nila.

"Bakit, me batas ba na nagbabawal sa munggo pag Lunes?" tanong ni Aling Lory. "OK yan, healthy! Para mabasawan naman mga taba sa katawan ni Mr. Robinson!"

Pagka-banggit ng pangalan niya, muntik mabilaukan si Mr. Bean. Habol niyang ininom ang tubig niya. "Nananahimik akong kumakain dito, ako ang pagdidiskitahan mo!" sabi niya ke Aling Lory. Ang ganda ng ngiti ni kainan owner, palibhasa naisahan niya si Mr. Bean. "E kasi ikaw ang parating di nagbabayad dito. Oy, Robinson, kelan mo babawasan utang mo? Ang haba na!"

Hehe, pala-utang si Mr.  Bean talaga. Kahit ke Donya Buding na namumulot lang sa basura, me utang siya.

Madaming kumakain sa kainan ni Aling Lory--mga estudyante, teachers, empleyado (mga empleyado ng Maynilad at isang sky cable company), mga kapitbahay, ang Kalog Boys, at me mga foreigners pa. Punung-puno ang loob at labas ng kainan na minsan naming tinatawag na Sisig dahil ito ang specialty nila.

"Bilib ako sa kainan nyo, Aling Lory!" sabi ko.

"Bakit?"

"International na!" sabi ko sabay tingin sa mga kumakain, lalo na sa mga banyaga--mga Amerkano, Chinese, Koreans, bumbay, at me mga negro pa, mga Nigerian yata. Lakas ng tawa niya.

Pansin ko, lahat sila me order na munggo, pati foreigners. Sa bagay, masarap na, mura pa. Trenta lang ang order ke Aling Lory nito, pwede pang half, kaya P15 lang me ulam ka na. Kahit foreigners nagtitipid na rin. Kinakain na rin nila yung dahon ng amplaya sa munggo. In fact, pati nga mga high school students kinakain na rin yung dahon--e dati tinitira nila yon, kinakain lang ni Obama, yung pusa nila Aling Lory. Di daw bagay ang lasa non sa Mountain Dew.

Madalas, parang headquarters din itong kainan ng mga tambay sa Assistant Street, ng mga students, at ng mga Kalog Boys (although ang tindahan nila Aling Lydia ang talagang headquarters ng Kalog Boys--dun sila talaga nakaka-utang pirmi, lalo na si Mr. Bean, Yung utang-kapal ba na taon bago bayaran). Pag malakas ang ulan, pag gabi na, pag summer, o anu pa man yan, nakatambay sila sa Sisig, kwentuhan at halakhakan. Masarap tignan. Minsan parang gusto ko maki-sawsaw sa kwetuhan pero me mga deadlines ako sa mga blog clients ko.

Minsan, makikita mo yang sila Aling Lory at kitchen staff niya at ilang mga dabarkads, nagbubulungan pag bandang 5 or 6 pm na, at mukhang misteryoso mga pinagbubulungan nila. Parang me kababalaghang nangyayari sa village. Parang masarap alamin. Kaya lang, pag naki-tambay ka, tatayo na siya at iaalok sayo ang mga natirang ulam, gaya ng ginisang munggo, kahit Lunes pa lang.

Teka, ba't nga pala nakasanayang pang-Biyernes lang ang ginisang munggo? Dahil pag Biyernes, dagsa ang munggo sa Balintawak. At dahil din sa Mahal na Araw (at ito ang pangunahing dahilan) bawal ang baboy kaya ginisang munggo madalas ang menu pag Biyernes Santo. So, ginawa nilang ganon every Friday na. At healthy daw, kasi gulay at konti lang ang sahog na baboy nito.

Pero hindi sa Sisig. Ang munggo nila, kadaming sahog na pork sisig at chicharon, at yung mga tira-tirang taba at karne sa mga ulam na hindi masyadong nabenta. Ang tawag ko dito, Recycled Munggo.

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!