Ganon sina Sabas, Dagul at Totoy Golem.
Kaya ayaw ko silang magkakasama, lalo't me lakad ang barkada. Kapag walang choice kundi kasama sila, tinitiyak kong magkakahiwalay silang tatlo. Mantakin mong magsabay-sabay silang maglabas ng masamang hangin. Talagang itatanggi kong kasama ko sila. Terrorism yon.
E minsan, nagkataong nagkita-kita kami sa SM North. Nanlaki ang mga mata ko nang eto na silang tatlo, magkakasama, papalapit sakin at all smiles pa. Tuwang-tuwa silang makita ako. Kinabahan naman ako sa kanila, lalo na ke Totoy Golem. Pag malaking tao kasi, malakas din ang hangin noon!
Patay!
At eto pa--ang lakas ng loob nilang magyayang manood ng sine! Pag malamig kasi, gaya ng fully aircon na lugar, mas malamang magiipon sila ng hangin sa tyan. Mas delikado yon.
Buti nalang action yung palabas--sigawan, barilan at sabugan ng bomba. E di sige, OK, pumayag ako. Di ko kasi kayang biguin ang kaligayahan ng mga kaibigan ko, lalo na tung tatlong ito na mga mababangis na kriminal dati pero nagpasyang magbago na mula nung naging barkada nila ako--nung napasali sila sa Kalog Boys.
So nood kami ng sine. Bumili sila ng popcorn para daw snacks habang nanonood. Kaso, pag carbohydrates gaya ng popcorn, mas lalong lolobo tyan mo sa hangin. Napa-ngiwi ako, pero andyan na yan e. Me magagawa pa ba ako?
Medyo kalagitnaan na nung nadinig kong nagpapasabog na sila--hindi yung mga bida sa pelikula kundi yung tatlo kong kasama. Pa-simple sila, pero dahil matalas talaga ang mga tenga ko, nadidinig ko mga utot nila. Parang me timer pa--yung isa sumabog, tapos after 30 seconds yung isa naman, at after 30 seconds ulit, yung isa naman.
Dun ako tumayo at sinabing magsi-CR lang ako. Gusto ko isigaw sa sinehan na hindi ko sila kasama at kilala. Pero mali ang decision ko na mag CR kunwari. Kasi nung pagtayo, pansin ko na dun nagtinginan yung mga tao sakin. Akala nila ako yung nagpasabog!
Anu ba?!
Yung mga me silencer o "suppressor" pa naman ang matindi. Yun ang kumakalat at perwisyo talaga--hanggang likod ng sinihan umaabot. Nung nagpasabog sila ng di-silencer, nagbukasan ang mga flashlights ng mga ushers sa loob ng sinehan at kung saan-saan tinutok ang ilaw, hinahanap siguro ang source ng bomba.
Nung nakita nilang ako lang ang tumayo during the explosions, lahat ng flashlights tumutok sakin. Parang yung presong tumatakas sa kubli ng dilim tapos na ispatan ng mga spotlights.
E di syempre, tuloy-tuloy na akong lumabas ng sinehan. Nakakahiya nang bumalik. Hinantay kong matapos yung sine at inabangan ko silang lumabas. Naka-smile pa ang mga pahamak.
Tapos, sabi ni Golem sakin: "Jad, magkakakain ka ng nilagang kamote, at pati balat kainin mo. Gamot talaga yun sa hangin sa tyan. Grabe ka rin palang kabagan?"
Magpro-protesta na sana ako nang sinabi naman ni Dagul:
"Hwag ka nang ma-dyahe samin, pre! Naintindihan namin. Ganyan din kami!"
Tapos, inakbayan ako ni Sabas na para bagang kino-comfort niya ang isang nabigo sa pagibig: "Wag mong dibdibin, friend. Ganyan ang buhay,"
No comments:
Post a Comment
Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!