Wednesday, October 7, 2015

Adventure sa Baguio

adventureh.wordpress.com
[Eto yung Part 2]

Ang dami kong kinita! More than P200 K! Dahil binata pa ako non, di ko alam saan ilalagay ang pera ko. Wala pang Sun Life Financial noon. E di sana ininvest ko lahat doon. Ayaw ko naman sa bangko kasi wala akong tiwala sa bangko talaga. Kukunan lang nila yon, babawasan ng kung anu-anong charges, hanggang maubos pera mo.

Kaya naisip ko, just enjoy!

Niyaya ko tuloy sila Pareng Babes, Sabas, at Professor Pekwa na umakyat ng Baguio. Laking gulat nila sa bigla kong pagyaya. At syempre, natuwa sila. All-expense-paid vacation! San ka pa? Nag-ready agad sila ng mga gamit nila at madaling araw kinabukasan, umiskyerda kami sakay ng Dagupan Bus mula Cubao.

Ang saya-saya namin! Naka-upo silang tatlo sa tatluhan at ako naman sa kabilang upuan, sa dalawahan, pero malapit ako ke Sabas na nasa dulo ng tatluhan. Katabi ko, magandang chick, pero di ko type.

At ang dami naming dalang sitsirya! Para kaming nagtitinda ng kropek. Kwentuhan na kami ng mga kwentong kalog namin at tawanan--syempre mahina lang. Ayaw din namin maka-bulahaw sa iba. Nung una, itsura muna ng siyudad nakikita namin sa bintana ng bus. Pagka-lagpas namin ng Malinta at Valenzuela, mukhang probinsya na!

Mga bukid, mga puno, mga pawid!

Etong si Pareng Babes, and daming kwento tungkol sa village--mga misteryong ginagawa ng mga kapitbahay at ibang kasambahay doon, lalo na daw yung kasambahay ni Mr. Durado at hardinero ni Mrs. Damayan--at me secret tagpuan din daw itong dalawang mga amo nato! Pambihira itong si Pareng Babes talaga!

Tapos, ito ring si Professor Pekwa, madami ring kwento! Kami ni Sabas, taga-pakinig at tawa lang. Ayokong mag-kwento si Sabas kasi medyo weirdo mag-kwento ito, parang kwento ng mga baliw na mamamatay tao. Pag nagku-kwento pa siya, yung itsura ng mukha niya parang sinasabi, "Papatayin ko kayong lahat!" Kaya sinisiguro kong taga-tawa lang siya. Nag leave siya sa office para makasama, at appreciate ko yon. Kelangan din kasi ng taong ito ng break. Sobrang stressed out.

Nagpalabas ng video ang bus, "Four Friends' Last Trip" ang title. Di kilala mga bida at parang pamilyar ang kwento. Anyway, enjoy naman, comedy na suspense bandang huli. Nung nasa Pampanga na kami, naka-tulog kaming apat. Pati yata yung chika sa tabi ko nakatulog din.

Pag-dating ng Pangasinan, nag-stop-over ang bus for lunch at kumain kami sa OK na restaurant syempre--hindi sa canteen lang. Kuha kami ng lechon kawali, sinigang, dinuguan at leche flan. Tuwang-tuwa sila. Feeling galante, binayaran ko na rin yung lunch nung katabi kong chicka. Pumayag naman siya. Pangalan daw niya, Cheska. "Happy birthday, kuya ha!" pabirong sabi niya.

Bandang 1:30 ng hapon, nung nasa bus na ulit kami, biglang nag-text si Dagul. Ba't daw di namin sila sinama, sila ni Totoy Golem? Sabi ko, o di sige, sumunod kayo. Me pera ba silang pang-abono muna?

Meron daw. At sumasama rin daw si Mr. Bean. Sabi ko, sige, pero sila lang. Wag na silang maingay kako. OK daw. Susunod daw sila sa Baguio at doon, text-text nalang.

Naku, tuwang-tuwa ang mga kasama ko. Ang saya-saya daw nito, magsasama-sama ang Kalog Boys! OK lang yon, ang dami ko yatang pera! More than P200K! Ang daming happenings nito!

Dumating kami sa Baguio ng 3pm, napaka-traffic kasi. Lakad-lakad muna kami. Wow, ang lamig! Iba talaga ang Baguio. Nasabi ko noon, pag-nag-asawa na ako, dito sa Baguio ang honeymoon!

Mamyang konti, nagreklamo na ang dalawa--bigat daw ng mga bag nila, di ba daw pwedeng mag-check-in na muna kami? OK, sige, check in muna. Syempre, naghanap kami ng medyo class na hotel. Me pera naman e, di ba? Kaya lang wala, fully booked lahat. Akyat panaog kami sa Session Road at kung saan-saan pa. Wala. Zero. Saan kami ngayon?

Yung isang hotel na pinuntahan namin sa Session Road me magandang receptionist. Ang ganda talaga niya! Ni-refer kami sa isang bahay na pwede daw naming upahan. Magandang bahay daw at class. Ang kagandahan pa, P800 a night lang, di gaya ng ibang hotel na P1,000 a night tapos room lang. Nag-sketch siya para mapuntahan namin yung lugar. Nag thank you si Pareng Babes at binigyan kami ni Miss Beautiful ng maladkit na tingin at matamis na ngiti.

Nag taxi na kami, me pera naman e, di ba?

Matapos ang pa-ikot-ikot naming biyahe sa mga gilid ng bundok at bangin, natunton din namin yung kalye--Gettysburg Street. Pumatak ng P300 ang taxi. Wow! Ang layo nga nito! Ibig sabihin, magta-taxi kami papalabas at papapasok sa lugar, kasi walang public jeep. Pero OK lang, me pera naman nga. At magandang adventure ito! Nasa tuktok yata kami ng Baguio! Ang taas at lalong malamig!

Me isang magara at mataas na bahay sa lugar na yon at mukang ito na yung sinasabi ni Miss Beautiful dun sa Session Road--ang Villa Lucrecia. Bukas ang gate kaya pumasok na kami. Me kalawakan din ang hardin at madaming pine trees sa paligid na tila umaabot sa mga malalayong bundok na natatanaw namin. Hanggang doon kaya ang mga ito?

Sa malaking pinto ng villa, kumatok kami. After mga 5 minutes, me nagbukas ng pinto--maliit na lalaki, mukang 60 years old na, me salamin at mukang kagigising lang. Nagtatanong ang mga mata niya kung bakit kami andun.

"Sir, ni-refer kami ni Miss Betty Sandoval. na meet namin siya..."

"P900 per night ito!" bigla niyang sagot kahit hindi pa ako tapos magsalita.

"E sir," banat ni Prof, "sabi ni Miss Betty P800 per night lang daw?"

"Hindi, P900 per night ito, Maghanap kayo ng iba kung ayaw nyo," sabay isasara na sana ang malaking pinto.

Pinigilan ko siya. "OK na po! Kukunin na namin!"

Wala kaming choice. Andun na kami, ang layo ng lugar, at walang ibang bahay doon. Anyway, me pera naman ako.

Pinatuloy niya kami. Ang laki ng loob, parang maliit na mansion--lumang mansion nga lang. Luma lahat--mga furniture, gamit, kubyertos, kusina, sofa, mga rooms, at pati mga gripo at tiles ng banyo. Parang, yung mga 1950s ang dating ng villa. Inabot ko ang bayad pang 3 days and two nights--P2,700--at inabot niya sakin ang mga susi ng bahay. "Just make yourself at home sa villa," sabi ni Mang Luisito (yun daw ang name niya) at tapos lumabas na siya sa main door.

Dahil medyo padilim na rin, binukas ko ang ilaw--wala. Walang kuryente. Pinahabol ko ke Sabas si Mang Luisito, tutal kalalabas lang niya. Takbo naman agad sa labas si Sabas para hanapin ang supladong caretaker. Mamyang konti, nag text na sila Dagul. Nasa Baguio City na daw sila, sa Session Road. Pina-sakay ko na lang sila ng taxi at pinasabi sa driver na dalhin sila sa Gettysburg Street, sa Villa Lucrecia.

"Jad, last money namin P350 nalang!" sabi ni Dagul. "At di pa kami nag-la-lunch!:

OK lang yan, sabi ko. Pagdating nyo dito ako bahala sa bayad sa taxi. At P300 lang ang taxi namin kanina, dagdag ko pa.

"Jad!" sigaw ni Pareng Babes. "Me fire place pa dito. Para tayong nasa Amerika!" tuwang-tuwang siya.

"Oo, pero sa Amerika me kuryetnte. Dito mukhang magkakandila tayo!"

Pansin ko, ilang minuto na wala pa si Sabas. Saan nagsuot yung taong yon? Pinasundan ko lang si Mang Luisito, di na bumalik. Medyo kabado ako ke Sabas kasi nga medyo weirdo. Baka mamya tumalon bigla sa bangin yon. Sana hindi ko na nautusan.

Mga 6:30 pm, dunating na taxi nila Dagul. Parang hirap na hirap ang taxi. Paglabas nila, kasama nila si Derek at si Gerald, yung dyaryo bote. Tinitigan ko si Dagul, nanlalaki ang mga mata ko. "E, kawawa naman sila, gusto nilang sumama e!" sabi niya. Kaya pala hirap na hirap ang taxi, kasama nila si Derek, the Cruel Driver na super taba. Lahat ng sakyan niyang kotse, kawawa.

OK sige, kahit kasama sila Derek at Gerald. Me pera naman ako.

Excited silang makita ang Villa Lucrecia! Parang big-time bakasyonista daw sila! Gandang-ganda sila sa villa.

Pina-hintay ko yung taxi nila dahil kelangan me bumili ng pagkain at ilang gamit--flashlights, kandila, posporo, uling, at iba pa. Nag-prisinta sila Prof at Pareng Babes. Sinama na rin nila si Gerald. Pagka-alis ng taxi, pinahanap ko naman si Sabas kina Dagul at Totoy Golem. Kami naman ni Mr. Bean at Derek, nag-check-check sa sulok-sulok ng villa.

Me 8 bedrooms ang villa, malaking sala (na me fireplace), dining, kitchen, grill place, family room, library, attic, terrace overlooking ang mga bundok, at 4 na CR. Ang laki rin ng garahe at paligid--yung tipong maliligaw nga ang isang tao na tulad ni Sabas. Di mo alam kung hanggang saan ang likod nito--baka abot pa sa Cordillera.

Mamyang konti, bumalik na sila Dagul at Totoy. Wala daw si Sabas, kung saan-saan na sila umikot sa bakuran. At meron daw palang lumang kamalig sa bandang likod, malayo sa mansion. Wala rin daw si Sabas doon. Wala ding laman yung kamalig kundi mga lumang drums. O nga pala, meron din daw creek at sementeryo banda roon.

Pero asan si Sabas?

[Itutuloy sa Summer Vacation  ng 2016. Abangan!]

No comments:

Post a Comment

Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!