Thursday, September 24, 2015
Ang Maliit na Punerarya
Me maliit na punerarya sa me labasan sa lugar namin, dito sa Otcho. Cute siya (pero ayaw ko sa kanya, no!), at ang nakakatawa, pinagigitnaan siya ng bilihan ng karne na me bigasan, at maliit na restaurant na me kahoy-kahoy kunwaring bakod. Biruin mo, bilihan ng sariwang karne, small punerarya at restaurant. Sa dako pa roon, me small bakery, suki ko.
Pag dadaan ang sinasakyan kong jeep doon, madalas di ko maiwasang mapa-tingin at mapa-ngiti. Me customer kaya ito? Wala naman akong nakikitang naglalamay dito pag gabi. Basta pag-nadaan ka, makikita mo yung glass door at mamamataan mo yung puting kabaong na nakatagilid (masikip kasi sa loob) at me mga ginintuang design. Sa glass window niya makikita mo naman mga gamit pang-burol--mga ilawan, podium, pulpito at minsan mga korona.
Sa kalapit na bakery (suki kong bakery), tinanong ko: "Me binuburol ba dyan?"
"Wala naman, kuya!" sabi ni Bong, tatawa-tawa. "Nagbebenta lang sila ng ataol."
"Me buy-one-take-one ba or seven-day free trial man lang?"
Lalong natawa ni Bong sakin.
"E, bumubili ka ba sa katabing tindahan ng baboy at karne?" tanong ko.
"E, kumakain ka ba sa katabi ding restaurant?" tanong ko ulit.
"Ay, hindi kuya, kasi beer house yan talaga. Di ako nagbi-beer house."
"Ba't yung puting kabaong na display--noon ko pa yan nakikita. Three years na yata yan dyan. Walang bumibili?" tanong ko ulit.
Natawa ulit si Bong habang inaabot yung binili kong pandesal. "Nakaka-takot naman sir, pag nabili yan! Ibig sabihin, me nangailangan!"
"Bakit, wala bang nangangailangan dito satin mula 3 years ago?"
"Wala po siguro kuya!"
"Aba!" sabi ko. "E di effective pala ang pandesal mo!"
"Po? Bakit po?"
"E di ba with malunggay ito? Pampa-haba daw ng buhay ang malunggay, di ba?"
Lols nanaman si Bong. "Ikaw talaga, Kuya Jad!"
"Anong oras ba kayo nag-sasara ng bakery?"
"Mga 10 pm po."
"E, last question, Bong--wala naman kayong nararamdaman pag gabi?"
Nag-isip muna si Bong at saka sinabi: "Nararamdaman? Gaya po ng ano? Multo?"
"Baka, di ba? Di ko alam. Punerarya yan e. Meron ba?"
"Wala naman po!" agad na sagot ni Bong. di ko alam kung dahil sure siya sa sagot niya or gusto lang niya kontrahin agad yung sinabi ko. Kapag sinasabi daw ng bibig, nagiging totoo--yun ang paniwala ng ibang tao. Kaya pag ayaw nila sinasabi mo, naka-kontra agad sila. Minsan, kakatok-katok sila sa mesa at sasabihing, "Knock on wood."
"Alam mo kasi, yang me katabi kang punerarya, minsan nang-aakit ng ligaw na kaluluwa yan at..."
"Ay teka kuya!" mabilis na sabi ni Bong, pinutol yung sasabihin ko sana. "Me naka-salang pa akong mga pandesal, baka masunog, hehehe!" Sabay alis. Mamyang konti, narinig kong tinawag niya asawa niya: "Nits, samahan mo nga ako...este...tulungan mo nga ako dito sa mga pandesal! Dalian mo!"
Tatawa-tawa akong lumayas. "Di bale, bukas naman bibili ako ng pandesal uli," sabi ko sa sarili.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Stories about Project 8 in QC, lalo na sa Bahay Toro kung saan naroon ang Ocho Boys, malapit sa isang tricycle-lan, grocery at karenderia. Hanapin nyo minsan nang makaridinig kayo ng katatawanan. Tawa ka rin kasi minsan, pag me time!